Inaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulis, mga espesyal na yunit nito at ng 79th IB ang isang organisador ng mga manggagawang-bukid at apat na iba pa noong Abril 22 ng gabi sa Talisay City, Negros Occidental. Inaresto sila sa bisa ng akusasyong sila ay mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nakatakas sa naganap na madugong masaker sa Toboso noong Abril 19.
Ayon sa ulat ng lokal na midya, nagsilbi ng mandamyento de aresto ang mga pulis sa isang alyas “Glem” na kabilang sa lima para sa kasong tangkang pagpatay. Habang isinasagawa ang pag-aresto kay “Glem” ay sinasabing nakuha sa kanilang lima ang mga armas at pambasabog. Ang mga inaresto ay ipinakilala ng mga pulis bilang sina Glemmar Ruelis Bacusmo, Danny Boy Pacheco, Judy Caramihan, Julie Ann Balora, at Jerome Seballos.
Sa salaysay ni Balora, myembro ng pambansang konseho ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at oraganisador para sa National Federation of Sugar Workers (NFSW), bumabyahe sila noon mula sa Victorias City at 20 minuto makalipas ay hinarang ng isang van na sinundan ng marami pang ibang sasakyan. Tinutukan umano sila ng mga armadong tauhan na sakay ng mga sasakyan at inutusang bumaba, lumuhod at yumuko.
Ayon sa UMA, walang kahit anong paliwanag ang mga armadong operatiba ng estado habang isinasagawa ang operasyon. Ani Balora, nakita niya ang dalawang operatibang may dalang dalawang bag na sumakay ng nirentahan nilang van. Isang oras makalipas, dinala sila sa istasyon ng pulis sa Talisay City.
Iniulat rin ni Balora na ipinailalim siya sa interogasyon nang walang abugado. Nakita niya rin ang pagkuha sa kanyang mga kasamahan para ipailalim sa interogasyon, at may isang pagkakataong sinuntok ng mga pulis sa dibdib ang isa pa niyang kasama.
Kinundena ng Human Rights Advocates Negros at UMA ang tinawag nilang iligal na pag-aresto sa lima. Ayon sa UMA, mistulang pagpapatuloy ang Toboso Masaker at pag-aresto kina Balora ng matinding panunupil ng rehimeng Duterte sa isla ng Negros sa balangkas ng Memorandum Order No. 32.
Noong 2023, mga myembro rin ng NFSW ang pamilyang Fausto na minasaker ng 94th IB at maging ang tinaguriang Sagay 9 na minasaker noong 2018.
Anang grupo, ipinakikita ng estado ang kaya nitong gawin sa mga magbubukid at karaniwang mamamayan na lumalaban para sa kanilang karapatan. “Ganito ang mangyayari sa inyo,” ayon sa UMA, na malinaw umanong mensahe ng rehimeng Marcos sa kasalukuyan.
“Dahil sa mga ganitong malulubhang paglabag sa karapatan, si Marcos Jr—tulad ng nauna sa kanya na si Duterte—ay nararapat na ngayon sa masusing siyasatin ng International Criminal Court at International Labor Organization,” pahayag ng UMA.
The post Organisador ng mga manggagawang-bukid, 4 na iba pa, inaresto sa Negros Occidental appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

