Iginiit ng National Union of Students of the Philippines (NUSP), pambansang alyansa ng mga konseho ng mag-aaral, ang agarang pagbasura sa lahat ng mga kasunduan sa pagitan ng mga unibersidad at mga armadong pwersa ng estado. Ito ay matapos minasaker ng 79th ID ng Armed Forces of the Philippines ((AFP) ang 19 na indibidwal, kabilang ang siyam na sibilyan, sa Toboso, Negros Occidental. Isa sa mga sibilyan na ito ang lider-estudyante at myembro ng konseho ng mag-aaral ng UP Diliman na si Alyssa Alano.

“No deals with fascists! (Walang kasunduan sa mga pasista!)” pahayag ng NUSP. Anito, inengganyo ng patuloy na presensya ng militar at pulis ang red‑tagging, pinahihina ang kalayaan akademiko at isinasapanganib ang mga estudyante at guro.

Kabilang sa binatikos ng NUSP na mga kasunduan at aktibidad ng militar ang UP-AFP Declaration of Cooperation, Ateneo and AFP Declaration of Cooperation, UST Research Colloquim kung saan punong panauhin ang NTF-Eclac, Philippine Aifr Force Exhibit sa UST at NTF-Elcac Seminar sa PUP ROTC.

“Banta, at hindi academic freedom, ang pakikipagsabwatan sa mga ahente ng estado,” ayon sa alyansa.

Anito, dapat pigilan ng mga administrasyon ang mga red-tagger at mga lumalabag sa karapatang-tao na makapasok sa mga eskwelahan para pangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante at kalayaang akademiko.

“Dapat manatiling independyente ang mga espasyong akademiko,” ayon sa alyansa. Kapag napailalim ang mga unibersidad sa militar, maari nitong ibahin ang mga prayoridad sa pananaliksik at supilin ang lumalabang mga boses.

“Matagal nang napatunayan na hindi nagsisilbi at nagtatanggol sa mamamayan ang AFP, PNP, NTF-ELCAC, at mga ahensya ng gubyerno,” anito. “Ang pinagsisilbihan nila ay ang mga korap na pulitiko, panginoong maylupa, malalaking negosyante at dayuhang entidad na dati nang nang-aapi sa sambayanan.”

Kinundena nila si Ferdinand Marcos Jr na patuloy na nagpopondo sa mga operasyon para patayin at busalan ang mamamayan at inutil sa pagtugon sa mga hinaing ng mamamayan na ugat ng kanilang paglaban.

The post Pagbasura ng mga kasunduan sa pagitan ng AFP at mga eskwelahan, ipinanawagan sa harap ng masaker sa Toboso appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.