Puu-puong mga organisador mula sa hanay ng mga magbubukid, magsasaka, mangingisda, mala-manggagawa, kababaihan, kabataan at artista ang dumalo sa inilunsad na kumperensya hinggil sa gawaing masa sa kanayunan sa isang sikretong lokasyon nitong Abril. Ang kumperensya ng pag-aaral ay pinangunahan ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) sa ilalim ng Paaralang Amado Guerrero ng Magbubukid.

Ayon sa PKM, isinagawa nito ang pag-aaral bilang paraan ng pagdiriwang sa mga anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front of the Philippines. Lumahok sa kumperensya ng pag-aaral ang mga myembro ng Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka), Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (Kasama), Kabataang Makabayan (KM) at Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS). Hinati ang mga estudyante sa tatlong klase.

Naging pokus ng pag-aaral ang paksang ang Hakbang-hakbang na Pag-oorganisa (HHPO) at pagbubuo ng Organo ng Kapangyarihang Pampulitika (OKP). Ito ang napiling mga paksa para sa pagpupuspos ng gawaing rekoberi at ekspansyon para sa rebolusyonaryong kilusang magbubukid.

Ayon sa PKM, marami sa mga estudyante ang nagalak na naging bahagi ng pag-aaral. Matapos ang mga paksa, ipinahayag nila na sadyang wasto ang pagbubuo ng Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB) dahil ang kasalukuyang papet na estado ng imperyalismong US ay mapang-api at mapagsamantala sa malaking mayorya ng sambayanang Pilipino.

Ang pagtatatag ng DGB ay bahagi ng mga sentral na tungkuling ng demokratikong rebolusyong bayan kasabay ng pagbabagsak sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo at pag-agaw ng kapangyarihang pampulitika mula sa reaksyunaryong gubyerno. Pangunahing armas ng Partido Komunista ng Pilipinas ang Bagong Hukbong Bayan sa armadong paggapi sa reaksyunaryong kapangyarihan na magbibigay-daan sa pagtatayo ng DGB at lokal na mga katumbas nito.

Dagda ng PKM, layunin ng mga pag-aaral na ihanda ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pag-oorganisa sa kanayunan bilang mga pangkat kanayunan o grupong pang-organisa. Bahagi din umano ito ng puspusang pagsusulong ng kilusang pagwawasto sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga rebolusyonaryong pag-aaral. Inilunsad ng Komite Sentral ng Partido ang kilusang pagwawasto noong Disyembre 2023.

The post Kumperensya hinggil sa gawaing masa sa kanayunan, pinangunahan ng PKM appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.