Nanawagan ang Moro-Christian Peoples Alliance (MCPA) para sa independyenteng imbestigasyon sa walang pakundangang pagpatay ng Armed Forces of the Phlippines sa 10 Moro na inaakusan nitong mga myembro ng Dawlah Islamiya–Maute Group sa Barangay Banga, Pantar, Marantao, Lanao del Sur. Ayon sa kwento ng pulis, inihahain diumano nila, kasama ang militar, ang warrant of arrest laban kina Amerol Mangonraka at Benjie Amor Macabato noong Abril 17, nang magkaroon ng “mahabang putukan.” Pagkatapos diumano ng putukan, tumambad ang patay na katawan ng dalawa, kasama ang kanilang mga asawa, at anim pang inakusahan ng militar na mga “mandirigma.” Nakilala ang mga napatay na sina Nahara Khairiya S. Hamim, Jamail Ibrahim, Fahmi Aminodin, Sohaile Borud Bato, at Mohaimen Aragon. Isa sa kanila ay estudyante ng Mindanao State University sa Marawi City.

Pero ayon sa kwento ng mga residente, walang naganap na matagal na putukan sa lugar, at sa sinasabing oras ng mga pulis at sundalo. Ayon sa mga nakakakilala sa mga biktima, ilan sa mga pinatay ay dati nang sumuko sa gubyerno. May ebidensya ring pinatay sila habang nakahiga at natutulog.

Ayon kay Amirah Lidasan, pangkahalatang kalihim ng MCPA, nangangailagan ng malalim na imbestigasyon ang mga pagkakaiba ng ulat ng mga pulis at ng mga residente dahil usapin ito ng paglabag sa mga karapatan ng mga sibilyan.

“Dokumentado ang mga paglabag sa karapatang-tao at kawalang pakundangan ng mga institusyong ito (AFP at PNP),” ayon kay Lidasan. Marami rin ang naiulat na mga kaso ng “tanim bala” at “tanim baril” para palabasing armado ang mga sibilyang pinapatay nila, aniya.

Iniulat ng MCPA ang paglaganap ng takot dahil sa insidente. Maraming kabataang kalalakihan ang umalis na sa kani-kanilang mga bahay sa takot na mabansagang bahagi ng “grupong Maute” o “Dawlah Islamiya.”

Pinansin ni Lidasan na ang pinatinding presensya ng pulis at militar sa Lanao del Sur ay kasabay ng paghahanda para sa Balikatan 2026, na isang bahagi ay ginanap sa kalapit na syudad ng Cagayan de Oro.

The post Masaker ng AFP at PNP sa Lanao del Sur, pinaiimbestigahan ng alyansang Kristyano-Moro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.