Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng Liga ng Agham para sa Bayan (LAB), rebolusyonaryong organisasyon ng mga syentista at inhinyero, ang pagpasok ng tutang rehimeng Marcos sa Pax Silica at ang kaugnay nitong pagbubukas ng “economic security zone” para sa ekslusibong gamit ng mga Amerikano.

“Titiyakin ng Pax Silica ang pagmonopolyo ng mga korporasyong Amerikano sa likas na yaman…at murang lakas paggawa ng ating bansa,” ayon sa LAB. Batid nitong ang mga pabrika na diumano’y itatayo nito sa ngalan ng kasunduan ay dagdag lamang sa dumaraming pasilidad at pabrikang pagmamay-ari ng US na ang layunin ay magprodyus ng bala, armas at ibang gamit pandigma.

“Ang deklaradong layunin ng proyekto ay para matiyak ang suplay ng US ng mga kritikal na mineral at iba pang rekurso sa pamamagitan ng paglayo ng pagproseso nito sa China,” ayon naman kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Ang di deklaradong layunin…ay ang magkaroon ng eksklusibong kontrol sa Pilipinas.”

Idinugtong ng PKP ang Pax Silica sa balak itayo ng US na 1,600-ektaryang “economic security zone” sa Clark Airbase sa Pampanga. Anito, ang economic zone na ito ay magiging teritoryo ng US sa Luzon sa loob ng halos isang siglo. Ito ay dahil iginawad dito ng rehimeng Marcos ng “diplomatic immunity,” katulad ng iginagawad sa mga embahada ng mga dayuhang bansa sa Pilipinas. Ibig sabihin, hindi batas ng Pilipinas ang mamamayani dito kundi batas ng US. Tulad ng mga base militar nito, ligtas sa pananagutan at kaparusahan ang mga tauhan nito sa batas ng bansa, sakali mang may magawa silang krimen.

Ipinagmamayabang ang proyekto bllang “industrial hub” pero wala itong kinalaman sa pagpapaunlad sa lokal na ekonomya.

“Lalo lamang nitong itatali ang bansa bilang tagasuplay ng hilaw na materyales at murang lakas-paggawa,” ayon kay Valbuena. Gayundin, muli lamang din nitong ibubukas ang Pampanga sa mapanirang presensya ng mga sundalo at tauhang Amerikano, na sa isang panahon ay naging rason ng laganap na prostitusyon, iligal na droga at iba pang anti-sosyal na aktibidad sa lugar.

“Mula sa ammunition factory sa Subic, hanggang sa oil depot sa Davao, kasama ng mga kumpanyang may kaugnayan sa militar ng US tulad ng Moog Controls Corporation sa Benguet, Collins Aerospace sa Batangas, at Valar Atomics sa Metro Manila, lumalaki ang presensya ng imperyalismong US sa Pilipinas habang niyuyurakan nito ang ating pambansang ekonomya at soberanya,” ayon sa LAB.

Nanawagan kapwa ang PKP at LAB sa mamamayang Pilipino na puspusang labanan ang Pax Silica at itakwil ang balak na itayong economic security zone para rito.

“Ang laban sa kunwa’y economic security zone ng US ay di maihihiwalay sa laban sa interbensyong militar ng US,” ayon kay Valbuena. “Dapat palakasin ng mamamayang Pilipino ang kanilang laban sa tumitinding presensyang militar ng US at palakasin ang kanilang pagggiit para lansagin ang lahat ng mga base at pasilidad militar ng US, at palayasin ang lahat ng mga Amerikanong tropa at nakalagak nilang mga armas sa bansa.”

“Dapat itakwil ang imperyalistang maniobra ng US ng mga propesyunal at estudyante ng STEM,” panawagan naman ng LAB.

The post Pax Silica at pagtatayo ng “economic security zone” ng US sa Clark, para sa gera appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.