Sakay ng mga motorsiklo, traysikel, van, at trak panghakot ng tubo, daan-daang masang Negrosanon ang nakiisa sa paghahatid sa libingan sa dalawang Pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) na sina Roger Fabillar (Ka Jhong) at Rene Villarin Sr (Ka During). Hindi nila inalintana ang pagmamanman at presensya ng tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa erya at pinagpugayan ang kanilang mga bayani.
Ang dalawang Pulang mandirigma ay kabilang sa maliit na iskwad ng hukbong bayan na namartir sa magiting na labanan sa 79th IB sa Barangay Salamanca, Toboso, Calatrava noong Abril 19. Ang yunit ng BHB ay kabilang sa 19 na pinatay ng militar sa araw na iyon, kasama ang mga sibilyan at hindi kombatant na nasa erya.
Noong Abril 23, inilibing si Fabillar sa bayan ng Toboso kung saan siya nagmula. Siya ang kumander ng BHB-Northern Negros. Ang paglahok daan-daang kaanak, kaibigan, mga tagasuporta at masang magsasaka sa bayan ay patunay na kinikilala at iginagalang siya ng komunidad bilang Pulang kumander.
Ayon sa ulat ng mga lokal na mamamahayag, maririnig sa mga dumalo sa huling prusisyon ang mga talakayan kaugnay ng kalagayang panlipunan at hustisya para sa mahihirap na katulad nila. Ipinakikita nito ang matinding pag-unawa ng mga mamamayan sa armadong pakikibaka at rebolusyong isinulong ni Fabillar.
Noong Abril 25, mahigit sa 500 katao ang naghatid kay Villarin sa kanyang libingan sa bayan ng Calatrava. Nagsilbing iskwad lider ng BHB-Northern Negros si Villarin at bahagi ng komite sa gawaing medikal ng hukbong bayan. Isa rin siya sa mga kagawad ng Komite ng Partido sa Larangan.
Si Villarin ay lubos na ipinagmamalaki ng kanyang mga anak dahil sa kanyang tapang at paninindigan. “Sa totoo, ang masasabi ko, saludo ako sa aking ama dahil nakibaka siya hanggang sa huling hininga. Yan ang tunay na katapangan!” ayon sa isa sa kanyang mga anak.
Dagdag niya, ni minsan ay hindi narinig sa kanyang ama ang panghihina sa paninidigan sa pagsusulong ng rebolusyon at paglahok sa armadong pakikibaka. Ayon pa sa isa niyang anak, “ang kamatayan ni Papa ay hindi wakas kundi bagong simula para sa mga sisibol pa lang upang lumaban at ipagpatuloy ang nasimulan ng mga tinuturing nating tunay na bayani.”
Pinarangalan rin sila at ang iba pang mga Pulang mandirigma na namartir sa Toboso ng BHB-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) at ng Partido Komunista ng Pilipinas.
“Ang kanilang mga pangalan ay nakaukit na ngayon sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka para sa lupa at hustisya sa isla,” ayon kay Ka Maoche Legislador, tagapagsalita ng panrehiyong kumand. Dagdag niya, maaalala sila ng masang Negrosasnon bilang mga makabayan at rebolusyonaryong nakaunawa sa dinaranas ng mga mahihirap at piniling ipagtanggol ang mga magsasaka hanggang sa kanilang kamatayan.
“Ang lupain ng Negros ay dinilig ng dugo ng mga matatapang, at mula sa lupang iyon, higit lamang na lalakas ang rebolusyon,” dagdag ni Legislador. Habang ang nakikita lamang umano ng militar ay bilang ng kanilang mga napatay, tinitingnan ito ng masang Negrosanon bilang rason ng pagpapatuloy na lumaban.
Nanawagan si Ka Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa buong rebolusyonaryong kilusan at masang Pilipino na alalahanin at parangalan ang mga nabuwal na mandirigma ng Toboso. “Ang pighati ng bayan ay ibaling natin sa ibayong rebolusyonaryong determinasyon na isulong ang digmang bayan,” aniya.
Dagdag pa ni Valbuena, nabubuwal ang mga mandirigma ng bayan ngunit ang digmang bayan ay magpapatuloy. “Mula sa lupang dinilig ng dugo ng mga bayani ng bayan ay uusbong ang mas marami pang pinuno ng mga organisasyong masa, mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, at mga kadre ng Partido,” pahayag niya.
The post Daan-daang Negrosanon, naghatid sa 2 Pulang mandirigma ng BHB-Northern Negros sa kanilang libingan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

