Buong sigla at determinadong sinasalubong ng NDF-Laguna, sampu ng buong rebolusyonaryong mamamayan sa lalawigan, ang ika-53 taong pagkakatatag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ngayong ika-24 ng Abril. Sa harap ng lumalalang krisis sa ekonomya at pulitika, naninindigan ang NDF-Laguna kasama ang mamamayang Lagunense sa paglaban para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Ang okasyong ito ay tanda ng hindi kailanman magagaping pakikibaka ng sambayanan laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo na syang mga parasitikong pumapatay sa mamamayan at ugat ng kahirapan sa bansa.
Kritikal ang kalagayan ng Pilipinas habang walang patid na itinutulak ng imperyalismong US ang gera sa Asia Pacific. Ang Pilipinas, bilang mala-kolonya ng Estados Unidos, ay hinihila na maging instrumento at lunsaran ng mga gerang agresyon at pang-uupat sa bansang China, ang nangungunang imperyalistang karibal na bansa ng US. Ang patuloy na presensya ng mga tropang Amerikano sa rehiyon sa pamamagitan ng mga Joint Military Exercises tulad ng Balikatan at Visiting Forces Agreement ay tanda ng direktang pagkaladkad sa bansa upang ipangpain sa digmaan. Ang pagpapapasok ng mga pwersang ito sa bansa sa ilalim ng “pivot to Asia” ay direktang naglalagay sa Pilipinas at rehiyon sa panganib ng isang proxy war laban sa China. Ito ay hindi para sa “depensa” kundi para sa pagpapalawak ng kontrol ng US at pagsulsol ng hidwaan sa pagitan ng mga bansa sa Asya.
Ang sunud-sunod na digmaang inilunsad ng imperyalismong US sa Gitnang Silangan, partikular laban sa Iran na pangatlo sa may pinakamalaking reserba ng langis sa buong mundo, ay siyang ugat ng kasalukuyang pandaigdigang krisis sa langis at pagkain. Ang gerang ito ay para sa pagkamkam sa mga likas na yaman at pagsupil sa mga bansang naghahangad ng soberanya. Dinaranas ng mamamayang Pilipino ang epekto nito sa pamamagitan ng walang-tigil na pagtaas ng presyo ng langis, bilihin, at serbisyo.
Walang takas ang mamamayang Lagunense sa walang kaparis na krisis. Sa lalawigan, maraming tsuper at maliliit na opereytor ang tuluyan nang tumigil na sa pamamasada sapagkat hindi na kinakaya ang abot-langit na pagtaas ng presyo ng krudo. Kung noon, kumikita pa sila ng halagang mula P1,000-P1,500 sa maghapong pamamasada, ngayon, P300-P350 na lamang ang nauuwi sa kanilang mga pamilya. Samantala, nagpapatuloy ang malawakan at sistematikong pagsasamantala at pagpiga sa mga manggagawa ng mga ganid na kapitalista sa pamamagitan ng pagpako sa kakarampot at hindi nakabubuhay na sahod na hindi kayang sumabay sa patuloy na pagsirit ng mga presyo.
Kasabay nito, kumikinang ang mga mata ng malalaking korporasyon sa Laguna dahil sa angking likas-yaman ng lalawigan. Bagama’t napagtagumpayan ng mamamayan ng Caluan at San Pablo ang pagpapabasura sa ordinansang nagpapahintulot sa development ng 84-ektaryang landfill ng South Luzon Waste Management Corporation sa Mt. Kasilungan, hindi pa rin tumitigil ang ganid na korporasyong ito na itulak ang kanilang proyekto. Ayon sa SLWMC, hindi nila kikilalanin ang naging hatol ng Sangguniang Panlalawigan lalo’t tinatayang P8 Million ang maaari nilang kitain sa loob lamang ng isang araw. Kaya’t hindi na nakapagtataka pa kung ipipilit ang proyektong ito. Bagama’t nakamit na ng mamamayan ng Caluan at San Pablo ang paunang tagumpay, nararapat lamang na ipagpatuloy ang sama-samang pagkilos upang pigilan ang nakaambang proyekto.
Sa lahat ng ito, tanging pandarahas at pagbibingi-bingihan ang tinutugon ni Marcos Jr. Habang nagaganap ang kaliwa’t kanang krisis, nililikha ng estado sa pangunguna ng rehimeng US-Marcos II ang sistematikong panunupil sa sambayanang lumalaban. Isa sa pinakamatingkad na halimbawa nito ay ang walang habas na pagpatay sa mga rebolusyonaryo, at limang sibilyan sa bayan ng Toboso, Negros Occidental noong Abril 19.
Maaaring patayin ni Marcos Jr. at ng alipores nitong AFP ang katawang-lupa ng mga rebolusyonaryo, ngunit hindi nila kailanman mapapatay ang hangarin ng mamayang Pilipino na makalaya sa tanikala ng pang-aalipin at kahirapan. Ang krisis ay patuloy na mag-aanak ng panibagong dugo at salinlahi ng rebolusyon na syang tatahak sa landas ng digmang bayan na nauna nang hinawan ng mga dakilang martir ng sambayanan. Ito ang batas ng kasaysayan na paulit-ulit nang pinatunayang wasto ng mamamayang nagsulong at nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sapagkat batid ng mamamayan na ang tanging kasagutan sa kahirapan ay ang pagpapabagsak sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata-kapitalismo.
Higit na napapanahon ngayon na muling padagundungin ang mga anti-imperyalistang protesta at paglaban ng mamamayang Pilipino. Kailangang magkaisa ang buong bayan upang igiit at ipaglaban ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Itakwil at labanan ang mga pakanang pang-uupat ng gera ng US at paggamit sa Pilipinas bilang lunsaran ng digma laban sa katunggaling Tsina.
Upang maisakatuparan ito, kailangang palakasin ang NDF – Laguna sa pamamagitan ng pagrerekluta ng pinakamaraming bilang sa mga lihim na organisasyon upang maging sandigan ng patuloy na lumalawak na kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan ng lalawigan. Dapat palahukin ang lahat ng makabayan at patriyotikong mamamayan sa lahat ng anyo ng paglaban. Palakasin ang mga protestang bayan para palayasin ang mga tropang militar at base militar ng US sa bansa. Ilantad ang mga epekto nito sa buhay at kabuhayan ng mamamayan at sa kalikasan. Pakilusin ang pinakamalaking bilang ng mamamayan at pagsilbihin ang ating malawak na nagkakaisang hanay para sa armadong pakikibaka.
Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang taliba ng rebolusyong Pilipino, ididirehe ang mga pakikibakang ito para sa pagkamit ng tunay na pambansang kalayaan, demokrasya at kapayapaang nakabatay sa katarungan. Hinog ang kasalukuyang sitwasyon sa lalawigan ng Laguna at buong bansa upang ibayong buklurin at pakilusin ang mamayan para sa rebolusyon. Sa wastong pamumuno ng PKP, tiyak ang paglakas at paglawak ng NDF!
Mabuhay ang NDFP!
Mabuhay ang mamamayang Lagunense!
Mabuhay ang sambayanang Pilipino!
The post Konsolidahin at palakasin ang NDF! Labanan ang imperyalistang agresyon ng US sa buong daigdig! Mamamayang Lagunense, ibayong sumulong sa landas ng Rebolusyon! appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

