Sukdulang pagtataksil sa kasaysayan at soberanya ng bansa ang pagpahintulot ng rehimeng Marcos sa presensya ng mga sundalong Japanese sa war games na Salaknib at Balikatan. Ang paglahok nila sa mga maniobrang pandigma sa “imbitasyon” ng papet na estado ay sampal sa mukha ng milyun-milyong Pilipinong pinatay, pinahirapan, inapi at pinagsamantalahan sa ilalim ng okupasyong Japanese noong 1942 hanggang 1945.
Hanggang ngayon, wala pang tunay na pag-amin at bayad-pinsala ang estado ng Japan sa mga krimen ng kanilang mga sundalo sa mga panggagahaa at pang-aaliping sekswal sa daan-daang kababaihang Pilipino sa panahon na iyon.
“Todo-todo ang paglilinis ng papet na si Ferdinand Marcos Jr sa imahe ng mga pwersang Japanese para burahin sa kolektibong alaala ng mga Pilipino ang isa sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan natin,” pahayag ng Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.
Ngayong taon ang unang pagkakataon na direktang lalahok ang mga pwersang Japanese sa Salaknib at Balikatan, dala ang sarili nilang mga gamit-militar. Bahagi ito ng maniobra ng gubyerno na Japan para ikutan ang mga probisyon sa konstitusyon kaugnay sa mga patarakan ng ekslusibong “defense-oriented” na sandatahang lakas. Sa gayon, hindi ito dapat lumalahok sa mga opensibang aksyon tulad ng Salaknib at Balikatan na direktang kumakanti sa kapangyarihan ng China.
Sa Japan mismo, nahaharap ang gubyerno ni Sanae Takaichi sa matinding pagkundena mula sa mamamayang Japanese. Ito ay matapos luwagan ng kanyang gabinete ang Three Principles on Transfer of Defense Equipment and Technology noong Abril 21. Ipinagbawal ng patakarang ito ang pag-eksport ng Japan ng malalakas na armas, kabilang ang mga jet fighter, misayl, warship at ibang gamit pangkombat. Sa ginawang mayor na rebisyon, maaari nang magbenta ang Japan ng gayong mga armas sa mga bansang mayroon itong “transfer agreement.” Sa ngayon, mayroon itong gayong kasunduan sa 17 bansa, kabilang ang Pilipinas.
Unti-unting tinitibag ang mga restriksyon sa kapangyarihang militar ng Japan. Pagtatakwil ito ng estado ng Japan sa mga patakarang pasipista na ipinaloob sa konstitusyon ng bansa matapos ang mga brutal na krimen nito sa ikalawang digmaang pandaigdig.
Ginagamit nito ngayong dahilan ang paglakas ng China para bigyan-katwiran ang pagpapalakas ng militar para muling manggera sa mga kalapit nitong bansa sa Asia, kabilang sa Pilipinas.
The post Presensya ng mga sundalong Japanese sa war games ng US sa Pilipinas, sukdulang pagtataksil sa mga Pilipino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

