Nagtipon ang mga organisasyon ng akademiko, progresibo, relihiyoso, mga alagad ng sining at iba pa noong Abril 23 para ilunsad ang Stop the US-Israel War in Iran Campaign Network. Isinagawa ito sa Bulwagang Tandang Sora sa University of the Philippines-Diliman, Quezon City.
Itinayo ang network para magsilbing malawak na alyansa ng mga grupo at indibidwal na tutol sa gerang agresyon ng US sa Iran, Palestine at Lebanon. Bago nito, naglabas ng nagkakaisang pahayag ang mga organisador ng network na may pamagat na “Stop the US-Israel war on Iran!”
Sa huling bilang noong Abril 23, nakalikom na ang pahayag ng 500 pirma. Kabilang sa mga pumirma at naging bahagi ng network ang apat na obispo ng Simbahang Katolika na sina Bp. Gerardo A. Alminaza ng San Carlos, Bp. Elmer Mangalinao ng Bayombong, Broderick S. Pabillo ng Taytay, at Euginius Longakit Cañete ng Gumaca at tatlong pambansang alagad ng sining na sina Ryan Cayabyab, Ricky Lee at Prof. Gemino H. Abad.
“Kami, mga Pilipino na nagtataguyod ng kapayapaan, hustisya, at pambansang soberanya ay nagpapahayag ng aming pinakamariing pagtutol sa nagaganap na mga gerang agresyon ng US at Israel sa Iran at Lebanon, dagdag sa gerang henosidyo nito sa Palestine,” pambukas sa pahayag ng network. Ang mga gerang ito ay nagdulot na ng matinding pagdurusa sa mga sibilyan, sumira ng mga komunidad, nagdala ng kaguluhan sa buu-buong mga rehiyon at sinasadlak ang daigdig sa matinding krisis sa ekonomya.
Anito, itinuturo ng kasaysayan mismo ng Pilipinas na hindi nakakamit ang kapayapaan sa pamamagitan ng mga bomba, sangsyon at alyansang militar na ang layunin ay “magpakita ng kapangyarihan, at mandambong ng mga rekurso at pamilihan ng mahihina, at mas maliliiit na bansa.”
Nanawagan sila sa lahat ng mga Pilipino na tumindig laban sa gerang agresyon ng US at Israel at papanagutin si Netanyahu at Trump sa kanilang mga krimen sa digma.
Gayundin, panawagan nila ang pag-alis ng lahat ng mga tropa, armas at pasilidad ng US sa Pilipinas at ipatupad ang ang independyenteng patakaran panlabas at mapayapang kaayusang internasyunal. Kinundena nila ang Balikatan exercises bilang “instrumento ng pagpapapakita ng mga armas ng US.”
Balak ng network na magsagawa ng mga diskusyon at mga pagkilos para buuin ang pinakamalawak na anti-imperyalistang kilusan.
The post Network laban sa gerang agresyon ng US sa Iran, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

