Buong sigla nating gunitain sa darating na Abril 24 ang ika-53 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa okasyong ito, ibayong patatagin natin ang pagkakaisa at determinasyon ng NDFP at ng buong sambayanang Pilipino na isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka para palayain ang bansa mula sa paghahari ng imperyalismong US at ng lokal na mga naghaharing uri.

Ipagdiwang natin ang mga tagumpay ng NDFP bilang pinakakonsolidadong alyansa ng mga progresibo at patriyotikong pwersa na nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa nagdaang mahigit limang dekada, binuklod ng NDF ang iba’t ibang demokratikong sektor sa 12-puntong programa nito para sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Habang nagbabalik-tanaw sa kasaysayan ng walang-humpay na pakikibaka, dapat maghanda rin ang NDFP sa pagbalikat ng higit na mabibigat pang tungkulin sa hinaharap, laluna sa gitna ng lumalaking banta ng mga imperyalistang digmaan sa kalayaan, kaligtasan at kabuhayan ng bansa, bunga ng tumitinding panggegera at agresyon ng imperyalismong US, para angkinin o agawin ang mahahalagang rekurso sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Magkasunod na sinalakay ng imperyalismong US ang Venezuela at Iran, una at ikatlong bansang may pinakamalaking reserbang langis sa buong mundo. Gamit ang kanyang nakapangyayaring pwersang militar, niyurakan ng US ang lahat ng panuntunan ng internasyunal na batas. Hayagan ding pinagbabantaan ng US ang Mexico, Colombia, Cuba, Panama, Greenland, maging ang bahagi ng teritoryo ng Ukraine.

Papatindi ang panggegera ng US sa layong panatilihin ang pandaigdigang dominasyon sa harap ng estratehikong paghina ng kanyang ekonomya at pandaigdigang imperyo, at paglitaw ng iba’t ibang sentro ng kalakalan at sistemang pampinansya na hindi gumagamit ng dolyar, at mga alyansa at tulungang militar na wala sa kanyang kontrol. Ginagamit at iwinawasiwas ngayon ng US ang pwersang militar nito upang ipataw ang hegemonya sa iba’t ibang panig ng daigdig, at pigilan ang paglawak ng kapangyarihan ng mga karibal nitong imperyalista, higit lalo ang China.

Lalong pinahihigpit ng US ang kontrol nito sa Pilipinas. Nagkukumahog ang mga kapitalistang Amerikano na sairin at sarilinin ang natitirang yamang mineral ng bansa, at ang malalawak na lupain para itayo ang kanilang mga plantasyon, at mga proyektong “renewable energy” o panturismo. Lihim na pinirmahan kamakailan ni Marcos ang isang kasunduan sa US (sa tabing ng diumano’y Luzon Economic Corridor) na magsusuko ng mahigit 1,620 ektarya sa buong kontrol ng mga kapitalistang Amerikano, para dambungin at kamkamin.

Tuluy-tuloy na pinalalawak ng US ang presensyang militar sa Pilipinas. Parami nang parami ang naka-istasyong tropang Amerikano at nakalagak na misayl at mga kagamitang pandigma sa mga base militar, kapwa sa mga EDCA site at sa mga lihim na pasilidad militar sa iba’t ibang panig ng bansa. Taun-taon ay palaki nang palaki ang isinasagawa nitong mga ehersisyong militar at war games, katulad ng Balikatan exercises na nagsimula ngayong buwan na kalahok ang hindi bababa sa 10,000 tropang Amerikano.

Ginagamit ng US ang Pilipinas, pati na ang South Korea at Japan, para palakasin ang presensya ng mga pwersang militar nito sa mga karagatan sa palibot ng China. Sa South China Sea, isinasagawa nito ang “transparency operations” gamit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard para hamunin at upatin ang China. Balak rin ng US itayo ang malaking imbakan ng langis sa Davao Gulf para magserbisyo sa kanyang mga barko de gera. Plano rin nitong itayo ang pagawaan ng mga kagamitang militar (bala, drone at iba pa) sa Subic at sa Aurora. Lahat ito’y bahagi ng paggamit ng US sa Pilipinas para sa agresyong militar, katulad na ginamit nito ang mga base militar nito sa mga bansa sa gulpo, para sa armadong pagsalakay sa Iran.

Ang kamay ng lahat ng sundalong Amerikano ay may bahid ng dugo ng libo-libong Iranian at Palestino na pinatay sa pambobomba ng US-Israel, ng milyun-milyong pinatay sa mga gerang agresyon sa nagdaang siglo, kabilang ang milyong Pilipinong pinatay ng US sa gerang pagsaklot nito sa Pilipinas. Malaking insulto sa sambayanang Pilipino na ginagamit ang bansa na pahingahan ng mga dayuhang mananakop, lagakan ng kanilang mga sandata at lunsaran ng mas marami pang digmaang agresyon. Ang pagkakaladkad ng US sa Pilipinas sa pakikipagribalan nito sa China ay taliwas sa hangarin ng sambayanang Pilipino na mapayapang makipamuhay sa mga kalapit nitong bansa. Tahasan itong pagyurak sa kasarinlan ng Pilipinas at banta sa kanyang kaligtasan.

Sa harap ng sitwasyong ito, malaking hamon sa NDFP na buklurin at pukawin ang sambayanang Pilipino na tumindig laban sa papalaking banta ng panggegera ng US, at paggamit nito sa Pilipinas na lunsaran ng mga gerang agresyon. “Digmang bayan laban sa imperyalistang gera” ang panawagan para bagtasin ang landas ng armadong rebolusyon para palayain ang bansa sa kuko ng imperyalistang mandaragit at maninibasib.

Nasa mainam na katayuan ang NDFP na balikatin ang mga tungkuling ito, laluna sa paglakas at pagsigla nito sa nagdaang mga taon. Tuluy-tuloy na lumalawak at tumatatag ang mga rebolusyonaryong organisasyon mula nang ideklara ng Partido ang kilusang pagwawasto noong 2023. Paparami ang itinatayong balangay ng KM, PKM, Armas at iba pang rebolusyonaryong samahan. May ilang nakapaglunsad ng kanilang mga pambansang kongreso at pulong ng mga konseho, habang tuluy-tuloy na nakapagpapalawak at nakapagkokonsolida.

Naisagawa ng NDFP ang mga kumperensya at pulong para pagkaisahin ang tindig ng mga alyadong organisasyon nito sa maiinit na isyung pambayan, at para magbahaginan ng mga karanasan at aral sa pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa. Papasigla ang mga aktibidad na pumupukaw sa malawak na masa tulad ng mga raling iglap, at paglalabas ng iba’t ibang anyo ng propaganda, maging sa labas ng bansa. Papalawak ang suportang kinakalap para sa hukbong bayan habang paparami ang nagnanais magtungo sa kanayunan upang lumahok sa armadong pakikibaka.

Pagtibayin natin ang pasyang palakasin at palawakin ang NDFP sa okasyon ng ika-53 anibersaryo nito. Ibayo nating pasiglahin ang pag-ambag at paglahok ng NDFP sa pagpapalakas ng matagalang digmang bayan, digmang isinusulong ng buong sambayanan, para makamit ang pambansa at panlipunang paglaya.

The post Palakasin ang NDFP at labanan ang imperyalistang panggegera ng US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.