Hindi bababa sa 40 pamilya ang naperwisyo sa pwersahang pagbabakod at pagharang sa daanan sa komunidad sa Calachuchi Road, Barangay Andagao, Kalibo, Aklan noong Abril 15. Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng nakatakdang pagpapalayas at demolisyon sa komunidad matapos dumating ang nagpapakilalang may-ari ng lupa na si Jesus Daroy. Pinalibutan ng mga yero ang komunidad at ikinural ang mga residente kabilang ang mga matatanda, buntis at bata.
Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Aklan ang tinawag nitong hindi makataong hakbang ng nagmamay-ari ng lupa laban sa mga residente.
Ayon sa tagapangulo ng Bayan-Aklan na si Kim-sin Tugna, walang ipinakitang atas mula sa korte ang nagpapakilalang may-ari ng lupa na nagsagawa ng pagbabakod. Wala rin itong permit mula sa lokal na gubyerno at tanging isang sertipiko mula sa barangay ang ginamit para rito.
Ipinagtanggol ni Punong Barangay Juliet Melgarejo ng Andagao ang pagbabakod na aniya ay dumaan sa “tamang proseso.” Iginiit ni Melgarejo na ilang ulit nang nagharap ang nagmamay-ari ng lupa na si Daroy at ilang mga residente kaugnay ng pagpapalayas sa lupain.
Una umanong binigyan ng palugit ang mga residente na lumayas hanggang katapusan ng 2025 na pinalawig nang hanggang Marso 2026. Aniya, inalok pa ni Daroy ang mga residente kung nais nilang bilhin ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Mayroon ding bahagi ng lupa ni Daroy na ibibigay bilang donasyon sa lokal na barangay para sa gagawing kalsada.
Sa kabila nito, sinabi ng Bayan-Aklan na ang biglaang pagsasara ng daanan nang walang abiso, walang konsultasyon at walang makataong konsiderasyon ay isang malinaw na anyo ng panggigipit at pananakot sa mahihirap. Hindi lamang umano ito simpleng usaping administratibo kundi usapin ng hustisya, ng karapatang-tao at ng paninindigan laban sa abuso.
Lubha ring ikinadismaya ng grupo na isinagawa ang hindi makatarungang mga hakbang na ito sa gitna ng matinding kahirapan at krisis sa ekonomya. Kaisa ang Bayan-Aklan sa panawagan ng mga residente na buwagin ang bakod, buksan ang mga daanan at ibalik ang karapatan ng mga residente na malayang makagalaw at mabuhay nang may dignidad.
Nanawagan ang grupo na agarang kumilos ang lokal na gubyerno ng Kalibo at mga kinauukulang ahensya para tugunan at resolbahin ang sitwasyon. Dapat umano nilang tiyakin na mapangangalagaan ang mga karapatan at seguridad ng mga residente.
Bilang suporta, nagtungo na ang Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Aklan sa komunidad para konsultahin ang mga residente at alamin ang kanilang kalagayan noong Abril 16. Samantala, naiulat noong Abril 17 na mayroon nang mga residente ang nag-“self-demolish” sa kanilang mga kabahayan kaugnay ng pagpapalayas.
The post 40 pamilya sa Aklan, naperwisyo ng pagbabakod at demolisyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

