Nagtipon noong Abril 14 sa University of the Philippines-Diliman sa Quezon City ang mga akademiko, guro at mga empleyado sa eskwelahan at unibersidad para ilunsad ang alyansa na titindig laban sa gerang agresyon ng US sa maraming bansa. Tinawag nila itong Coalition of Academics Against US Aggression o Causa.

Sa nagkakaisang pahayag ng Causa, idineklara nitong tumatanaw sila sa isang daigdig na malaya sa kolonyalismo, imperyalistang dominasyon at pagsasamantala. Idineklara nitong tumitindig sila para sa pundamental na karapatan ng lahat ng mamamayan para sa sariling pagpapasya kung saan nakatuntong ang iba pang karapatang-tao.

“Pinagtitibay namin ang likas na karapatan ng mga mamamayang lumaban, anumang pormang kinakailangan, sa hindi makatarungang awtoridad, pang-aapi at sistema ng dominasyon,” pahayag ng Causa. Dagdag nito, ang pagkikibaka para sa kalayaan ay kapwa lehitimo at kinakailangan sa harap ng sistemikong karahasan at dayuhang agresyon.

Kaugnay ng mga nito, aktibong magkakampanya ang Causa laban sa lahat ng gerang agresyon ng US at mga alyado nito. Sa kagyat, panawagan ng alyansa ang buung-buong paghinto ng gerang agresyon ng US-Israel laban sa Iran, Lebanon at Palestine.

Makikiisa rin ang alyansa sa mga mamamayan ng Venezuela at Cuba sa kanilang pakikibaka laban sa koersyon sa ekonomya at interbensyon sa pulitika. “Tutol kami sa lahat ng porma ng sangsyon sa ekonomya, blokeyo at ipinataw ng dayuhan na destabilisasyon na bumabakbak sa pambansang soberanya at kaunlaran,” anito.

Bahagi rin ng magiging tungkulin ng Causa ang paglalantad at paghamon sa imperyalistang propaganda na tinatabingan ang interbensyon, militarisasyon at pagbabago ng rehimen ng mga katawagang makataong ayuda o demokratikong reporma. “Kinikilala namin ang kritikal na gampanin ng mga edukador at institusyon sa akademya sa pagpapaunlad ng kritikal na kamalayan at paglaban sa disimpormasyon,” pahayag ng alyansa.

Kaugnay nito, lalabanan ng Causa ang militarisasyon sa loob ng mga institusyon sa edukasyon at mga kampus. Gagawin nila ito para panatilihin ang mga ito bilang espasyo ng kritikal na pagtatanong, pagtutol at paglikha ng kaalamang nakatuon sa mamamayan. “Ang edukasyon ay dapat magsilbi sa interes ng mamamayan, hindi sa adyenda ng mga imperyalista,” anang alyansa.

Susuportahan ng Causa ang karapatan sa sariling pagpapasya ng lahat ng bansa kabilang ang Palestine, Iran at Pilipinas. Nasa likod sila ng mga bansang nagnanais na bumagtas sa isang nagsasariling landas na malaya sa dayuhang dominasyn at pangingialam.

Palalakasin rin nito ang tinig ng mga akademiko sa pagsusulong ng isang nagsasariling patakarang panlabas ng Pilipinas. Kasama rito ang mga panawagan para sa pagpapalayas ng tropang dayuhan sa bansa, mga kagamitan at pasilidad militar ng mga ito. Ipinababasura rin ng Causa ang hindi pantay na mga kasunduang militar na nagsasapanganib sa pambansang sobernya.

“Nakikiisa kami sa lahat ng mamamayan ng daigdig sa kanilang pakikibaka para sa kalayaan, hustisya at tunay na kapayapaan,” pahayag ng Causa.

The post Koalisyon ng mga akademiko kontra gerang agresyon ng US, itinatag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.