Tahasang pagbalewala sa soberanya ng Pilipinas ang pagpapalawig ng presensya ng Marine Rotational Force-Southeast Asia (MRF-SEA) sa Pilipinas. Ito ang deklarasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas nang ianunsyo ng US ang balak na higit na patatagalin ang pamamalagi ng mga pwersang militar nito sa bansa.
Mula sa dating 6-buwang rotation, mas patatagalin ang panahon ng destino ng mga sundalong Amerikano sa karagatan ng bansa. Ibayong paggamit ito sa Pilipinas bilang lunsaran ng mapandigmang mga operasyon sa rehiyon. Ang permanente nilang presensya ay hindi pinahihintulutan kahit sa mga kasunduang militar na pinirmahan sa pagitan ng US at tuta nitong estadong Pilipino.
“Ang matagalang presensya ng mga tropang ito ay nagsisilbing magnet ng atake ng mga kalaban ng US,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas. “Di sila dapat pinapayagang manatili sa teritoryong pandagat ng bansa.”
Ang MRF-SEA ay yunit militar ng US na naglulunsad at nangangasiwa sa mga operasyong militar ng US sa Southeast Asia. Ito rin ang may kontrol sa Task Force Philippines at nagpapatakbo sa Pilipinas bilang forward operating base ng US. Ang mga operasyon nito ay integrated o nakasanib sa lokal na operasyon ng AFP sa anyo ng mga war games, pagbabahaginan ng inteledyens at kontrol sa mga operasyon.
Kinokoordina rin ng MRF-SEA ang magkakasanib na patrol ng US, Japan at Australia sa South China Sea. Ipinagmabayang pa ng kumander ng MRF-SEA ang yunit bilang “presence with purpose” para magbigay ng “credible, forward posture.”
“Panunulsol ng armadong sigalot ang trabaho ng MRF-SEA sa Asia,” ayon kay Valbuena. “Kinakaladkad ng mga operasyon nito ang mga bansa sa Southeast Asia sa imperyalistang gera para bentahan sila ng mga armas sa tensyong militar na ang US mismo ang lumilikha.”
Ang pagbabase ng MRF-SEA sa Pilipinas ay tanda rin ng sukdulang pagpapakatuta ng reaksyunaryong estado dito.
“Walang ibang bansa sa Southeast Asia ang pumapayag sa malakihan at permanenteng pagbabase at presensya ng mga tropang Amerikano sa kanilang bansa,” ayon kay Valbuena. “Tanging ang mga tuta nito sa Pilipinas, sa katauhan ng korap na rehimeng Marcos at pasistang AFP, ang pumapayag na lantarang yurakan ang soberanya ng bansa at ilagay sa tuwirang kapahamakan ang kanilang mamamayan.”
The post Pagpapalawig sa presensya ng “rotational force” ng US sa Pilipinas, nagdadala ng peligro sa Asia appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

