Pakitang-tao at panloloko ang ginawang pagtanggal ng rehimeng Marcos sa excise tax sa liquefied petroleum gas (LPG) at kerosin nitong Abril. Ginawa niya ito para palabasing may ginagawa ang kanyang rehimen sa nagtataasang presyo, habang inililigtas ang malalaking kumpanya ng langis sa pananagutan nito ng sobrang pagpepresyo at pigilan ang makabuluhang rolbak sa presyo ng diesel at gasolina.

Ayon sa datos ng Ibon Foundation, 7.1 milyon (51%) lamang ang gumagamit ng LPG sa pinakamahihirap na 14 milyong pamilya sa bansa. Ibig sabihin, halos kalahati o 6.9 milyong pamilya ang walang mapapala sa pagtatanggal ng buwis na ito. At para sa mga gumagamit naman ng LPG, ang matitipid lamang nila ay ₱13-₱18 kada buwan. Sa abereyds, apat hanggang anim na 11-kilong tangke ng LPG lamang ang binibili ng isang mahirap na pamilya sa isang taon.

Samantala, mas walang saysay pa ang pagtanggal ng buwis sa kerosin dahil mas mababa pa sa isang milyong pinakamahihirap na pamilya ang gumagamit nito.

Ayon sa Ibon, ang pagtanggal ng excise tax sa LPG at kerosin ay para rin maiwasan ang may mas kabuluhang pagtanggal ng VAT at excise tax sa diesel at gasolina. Anito, kung isususpinde ang excise tax sa gasolina at diesel, kasama ang VAT sa lahat ng petrolyo, mangangahulugan ito ng pagbaba ng presyo sa transportasyon, pagkain, kuryente at iba pang batayang konsumo at serbisyo. Tinatayang ₱450–₱550 kada buwan ang matitipid ng bawat mahirap na pamilya sa direkta at di-direktang benepisyo.

Sa halip na bigyan ng tunay na alwan ang mamamayan, inuuna pa ng Department of Finance (DOF) ang interes ng malalaking korporasyon at kartel ng langis, ayon sa Ibon. Nagdadahilan ang DOF na ang pinakamayayamang 30% lamang na pamilya ang diumano’y makikinabang sa pagtanggal ng buwis sa gasolina at diesel. Sadyang binabaliwala nito ang mahigit 3.4 milyong mga trak, bus, dyip at iba pang pampublikong sasakyan na gumagamit ng diesel at gasolina, na direktang nakaugnay sa maraming pamilyang Pilipino at transportasyon ng pagkain at iba pang batayang pangagailangan.

Sa harap ng napakaliit at halos walang saysay na tugon ng rehimen sa krisis, patuloy na nagdurusa ang mamamayan sa mataas na presyo ng pagkain, transportasyon at kuryente habang nagpapasasa ang iilang monopolyo.

The post Pagtanggal ng buwis sa LPG at kerosin, napakaliit at pakitang-tao appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.