Dalawang menor-de-edad sa Northern Samar ang paulit-ulit na pinuntahan ng mga sundalo ng 19th IB sa kanilang bahay sa Barangay Paco, Las Navas para sapilitang “pasukuin.” Ang mga kabataan ay kinilala bilang sina Emman Yanay, 17 taong gulang, at Mercel Yanay, 15 taong gulang.
Ang magkapatid ay anak ng magsasakang si Edwar Yanay na matagal nang target ng militar at gubyerno sa kampanyang pagpapasuko dahil sa paratang na may kaugnayan siya sa rebolusyonaryong armadong kilusan. Ayon sa mga ulat, ang pagpapasuko sa magkapatid ay paraan ng paghosteyds sa kanila para palitawin ang kanilang ama at kalaunan ay pasukuin.
Ang magkapatid na menor-de-edad ay pilit na pinapupunta ng mga sundalo sa hedkwarters ng 19th IB sa Barangay Opong, Catubig. Sa takot ng nakatatandang kapatid na si Emman, lumayas siya sa kanilang bahay sa Barangay Paco at hanggang ngayon ay hindi mahanap ng mga kaanak.
Maliban sa kanila, ang ibang myembro ng pamilya Yanay ay hinaharas at ipinaiilalim rin sa intimidasyon ng mga sundalo ng 19tb IB. Kabilang sa mga biktima ng mga sundalo ang kapatid ni Edwar na si Resi at kanyang dalawang pamangkin sa kapatid na si Dandan. Si Dandan ay isang maralitang magsasaka na pilit ding pinasusuko ng 19th IB.
Kinundena ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) ang sapilitang pagpapasuko sa mga menor-de-edad at karahasang militar sa pamilya Yanay. Binatikos rin ng grupo ang pagtatago ng mga sundalo ng 19th IB sa gawa-gawang mga pangalan sa pagharap sa pamilya, na anito ay taktika para takasan ang pananagutan.
Ayon kay Ka Celine Manlimbasog, tagapagsalita ng grupo, karaniwan nang modus ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang panggigipit at pagtarget sa mga anak at pamilya ng kanilang mga pinasusuko. Aniya, pinatutunayan lamang ng mga insidenteng ito ang ginagawa ng AFP na pagbuwag at pagwawatak-watak sa mga pamilya.
“Higit nitong inilalantad ang pagiging kakatwa ng kampanyang pagpapasuko ng rehimeng Marcos,” ayon kay Manlimbasog. Malaking bahagi umano ng pinalalabas ng 8th ID na mga “surrenderee” ay hindi kusang sumusuko, kundi mga sibilyang sinisindak at pinipilit lamang ng militar.
Samantala, noong Abril 1 ay dinakip ng 19th IB ang sibilyang si Edmond Cabides Baluyot sa mga paratang ng pagpatay at pinalalabas na isang “lider rebelde” sa erya. Si Baluyot ay residente ng Barangay Victory, Las Navas.
Sa nakalap na impormasyon ng NDF-EV, si Baluyot ay naging target ng pag-aresto ng militar dahil sa isang pisikal na kumprontasyon sa isang sundalo ng 19th IB sa nakaraan. Kinuwestyon umano ni Baluyot ang ala-batas militar na mga patakarang ipinapataw ng mga sundalo sa kanilang barangay kabilang ang paghahamlet o “lockdown.”
Sa harap ng umiigting na mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng 8th ID sa Eastern Visayas, sinabi ni Manlimbasog na higit lamang na itinutulak nito ang mamamayan na sumuporta at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan. “Ang kanilang brutalidad at inhustisya ay magpapabilis lamang sa pagpapalakas ng hukbong bayan,” aniya.
The post Mga menor-de-edad sa Northern Samar, sapilitang pinasusuko ng 19th IB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

