Ipinatupad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros (Romeo Nanta Command) ang rebolusyonaryong hustisya sa hatol na parusang kamatayan ng despotikong panginoong maylupa at lider ng armadong grupong Alsa Masa na si Philippine Army 2LT Rodolfo Fajardo (Ret) noong Abril 12. Inambus ng hukbong bayan si Fajardo sa Barangay Payao, Binalbagan, Negros Occidental.

Ayon sa yunit, ang pamamarusa ay isinagawa alinsunod sa atas ng hukumang bayan sa erya. Nahatulan siyang maysala ng rebolusyonaryong korte sa mga kaso ng malawakang pangangamkam ng lupa, maraming bilang ng pagpatay, at lubhang pang-aabuso sa kapangyarihan. Nagsilbi rin siyang kumander ng detatsment sa Barangay Cansalungon, Isabela noong 1985-1986.

Ayon sa korte, ginamit ni Farjardo ang kanyang pusisyon, impluwensya at armadong pwersa para kamkamin ang lupain at mga alagang hayop ng mga magsasaka sa maraming komunidad. Daan-daang magsasaka at residente ang pinalayas ni Fajardo na dumanas ng gutom at kahirapan bunga nito.

Hindi bababa sa 14 ang mga magsasakang pinatay at ipinapatay ni Fajardo sa mga serye ng masaker, panununog at ekstra-hudisyal na pagpatay. Tinarget niya ang mga magsasakang tumangging isuko sa kanya ang kanilang mga lupa at ang mga tumututol sa kanyang pang-aagaw.

“Ang kanyang kaso ay marka ng mapagpasyang paninindigan laban sa pagsasamantala, lalo na laban sa mga magsasaka at manggagawang bukid,” pahayag ni Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros. Dagdag niya, walang lugar ang kawalang pananagutan sa mga eryang sinasaklaw ng rebolusyonaryong gubyernong itinatayo sa kanayunan ng masang magsasaka, katuwang ang Partido Komunista ng Pilipinas at hukbong bayan.

Ang pagparusa kay Fajardo ay malugod na sinalubong ng mga pamilya ng kanyang mga biktima sa maraming taon. Ikinalugod rin ang pagkakamit ng hustisyang ito ng mga balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid, Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan at Kabataang Makabayan sa rehiyon.

“Maaabot ng hustisya ang mga pinipiling gumawa ng masama, at sisingilin sa pananagutan ang lahat ng nagsasamantala sa mamamayan para sa sariling kapakanan,” pahayag ni Magbuelas. Kaugnay nito, nagbabala siya sa lahat ng mga pwersa ng estado, kanilang mga ahente at masasamang elemento na itigil agad ang lahat ng iligal at mapang-aping gawain.

The post Despotikong panginoong maylupa at retiradong sundalo sa Negros Occidental, napatay sa operasyon ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.