Pinasinungalingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Camarines Sur (Eduardo Olbara Command) ang ulat ng 9th ID na nagkaroon ng isang engkwentro sa pagitan ng yunit nito at ng hukbong bayan sa Barangay Pararao, Balatan noong Abril 9. Ayon sa BHB, walang yunit ng hukbo sa lugar kaya walang naganap na labanan.
Talumpung minuto ang itinagal ng walang patumanggang pamamaril ng 9th ID at gumamit pa ng dalawang helikopter. Naglustay ng pondo ang mga sundalo sa harap ng matinding krisis sa ekonomyang dinaranas ngayon ng masang Bicolano at ng buong sambayanang Pilipino.
Ayon pa sa BHB-Camarines Sur, ipinakana ng militar ang engkwentro para bigyang katwiran ang militarisasyon at paghahasik ng teror sa barangay at bayan. Ginamit pa ng mga sundalo ang punong barangay na si Cherry Renoloyan para magsalita at patotohanan ang ulat ng labanan. Sinundan nila ito ng kampanyang disimpormasyon sa barangay.
Lalong malaking kasinungalingan, ayon pa sa hukbong bayan, ang pagpresinta ng mga sundalo ng ilang mga dokumento at selpon na sinasabing nakumpiska matapos ang labanan. “Hindi na bago ang ganitong mga palabas ng militar,” anang yunit.
Nanawagan ang BHB-Camarines Sur sa mga Bicolano na tutulan at labanan ang anumang pagpapakalat ng mga pekeng balita at disimpormasyon laban sa hukbong bayan. Hiniyakat rin nito ang mamamayan na ilantad ang mga paglabag ng mga pasistang tropa ng estado sa kanilang karapatang-tao.
The post Ulat ng 9th ID na engkwentro sa Camarines Sur, pinabulaanan ng BHB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

