Mapanganib sa mga Cebuano ang paggamit ng barkong pandigma ng US sa Cebu South Port sa Wartime Repair and Maintenance Exercise (SWARMEX) nito noong Marso 25. Sangkot sa SWARMEX ang USS Ashland (LSD-48), isang island-class landing ship, na dumaong sa piyer para diumano’y isagawa ang “wartime repair” o pagkukumpuni ng mga sirang dulot ng digma.

“Tulad ng paggamit ng militar ng US sa sibilyang mga barkong ro-ro para ilipat-lipat ang mga sasakyan, sandata at iba pang kagamitang militar, ang paggamit sa Cebu South Port para sa mga war games nito ay magsasapanganib sa mga sibilyan at sibilyang imprastruktura,” pahayag ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang Cebu South Pier ay purong sibilyang pasilidad. Sentro ito ng komersyo at transportasyon ng mga produkto at biyahero sa Visayas. Ang paggamit rito ng US para sa layuning militar ay nagsasapanganib sa mga sibilyang imprastruktura at daloy ng komersyo hindi lamang sa Visayas kundi patungo at pabalik rin ng Luzon at Mindanao. Target ng US na gawing bahagi ang Cebu sa inilalatag nitong “unsinkable repair network” ng mga barkong pandigma nito sa Asia.

“Hindi na nagkasya ang US sa pag-ako sa “dual-use” na sibilyang Mactan-Cebu International Airport sa Lapu Lapu City bilang EDCA site, inaako na rin nito ang pangunahing piyer ng isla,” dagdag ni Valbuena. Ginagamit na ng US ang paliparan bilang fuel depot at lunsaran ng mga eroplanong pandigma tungong South China Sea.

Pinili ng US ang Cebu dahil sa relatibong layo nito sa kanlurang bahagi ng bansa, kung saan nakapwesto ang malalaking Amerikanong base militar. Sa taya mismo ng US, kapakipakinabang ang Cebu laluna kung unang targetin ng mga kalaban nito ang Subic at Clark.

“Sabihin man ng US na isa lamang “rehearsal” ang SWARMEX, malinaw na pagsusubok ito sa kakayahan ng piyer ng Cebu bilang pasilidad militar at bahagi ng paghahanda sa imperyalistang gera nito sa Asia,” ayon kay Valbuena.

The post Paggamit ng US sa sibilyang piyer sa Cebu para sa war games, mapanganib sa mamamayan at ekonomyang Cebuano appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.