Kinundena ng Rise for Education Davao ang inilabas na Memorandum No. 117, Series of 2026 ng Commission on Higher Education (CHED) noong Abril 7 na tinawag nitong “band-aid solution” sa krisis na kinakaharap ngayon ng mga estudyante at sambayanan. Pinahihintulutan ng naturang memo ang lahat ng unibersidad at kolehiyo na magpatupad ng 100% online learning, para pagaanin diumano ang pasanin ng mga mag-aaral at guro.
Ayon sa alyansa, isa itong malaking panloloko dahil inuulit lamang nito ang mga kapalkapan sa pagkatuto noong pandemyang COVID-19 habang inililipat ang buong bigat ng krisis sa mga kabataan at kanilang mga magulang. Sa aktwal, inililibre nito ang estado sa mga responsibilidad sa sektor.
“(K)ung babalikan ang kalagayan ng edukasyon noong COVID-19 pandemic, malinaw ang banta nito sa abot-kaya, de-kalidad, at demokratikong edukasyon,” ayon sa Rise Up-Davao. Sa panahon na iyon, halos 2.3 milyong estudyante ang napilitang huminto dahil sa kawalan ng kagamitan tulad ng gadgets at matatag na internet.
Ayon sa Philippine Statistics Authority noong 2022, 49% lamang ng mga sambahayan ang may akses sa internet. Wala pang nagbabago sa kalagayang ito. Dagdag pa dito ang madalas na blackout, mahal na load, at sira-sirang laptop. Wala namang tulong o subsidyo ang estado para ibsan ang mga problemang ito.
“Inililipat lamang ng estado ang pasaning pinansyal sa mga estudyante at kanilang mga pamilya,” ayon sa grupo. Sila ang babalikat sa gastos sa internet, kuryente at gamit, dagdag pa sa napakataas nang matrikuula ng mga pribadong unibersidad, at kakulangan ng dekalidad na serbisyo sa mga pampublikong unibersidad na salat sa pondo.
Ang tunay na solusyon ay ang pagtugon sa ugat ng krisis sa ekonomya at transportasyon, ayon sa grupo.
“Dapat tugunan ng gubyerno ang mga pangangailangan at hiling ng mga estudyante at mamamayan,” anito. Kailangan din nitong kagyat na dagagan ang pondo para sa edukasyon, i-freeze sa tuition fee increase sa mga pribadong unibersidad, kontrolin ang presyo ng langis, tanggalin ang VAT at excise tax at bigyan ng pinansyal na tulong ang bawat Pilipino.
The post CHED Memo para sa 100% online learning, pagtalikod sa responsibilidad ng estado sa edukasyon appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

