Naglabas ng resolusyon ang Barangay Bulalacao sa bayan ng Mankayan, Benguet noong Marso 20 na tumututol sa pagrenew sa permit sa pagmimina ng Lepanto Consolidated Mining Company.

Sa inilabas na dokumento na pinirmahan ng 15 nakatatanda sa komunidad, iginiit ng barangay na dapat alisin ang kanilang lugar sa plano ng pagmimina ng kumpanya.

Anito, nakabatay ang kanilang pagtutol sa pagkasira ng kalikasan, banta sa kaligtasan ng publiko at pagbawas, pagkawala at pagkalason ng pinagkukunan ng tubig na ginagamit sa pang-araw-araw ng mga residente, agrikultura at kabuhayan na dati nang nararanasan ng mga residente. Dagdag dito ang madalas na pagguho ng lupa, bitak sa kalsada, paglubog ng lupa, at paglitaw ng mga sinkhole na dulot ng mina.

Ang dokumento ay magiging bahagi ng proseso para sa Free, Prior and Informed Consent (FPIC).

Noong Pebrero, inanunsyo ng Lepanto na suportado ng mayorya ng mga barangay ang pag-renew ng kontrata nito sa ilalim ng proseso sa FPIC. Katuwang ng Lepanto sa proyekto ang subsidyaryo nito na Far Southeast Gold Resources Inc.

Nagsimula ang pagmimina ng Lepanto sa Benguet noong 1990 nang aprubahan ng gubyerno ang permit nito para 25 taon, na bukas sa pag-renew sa katapusan nito. Saklaw ng operasyon ang nasa 949 ektaryang lupaing ninuno.

The post Pag-renew sa permit sa pagmimina ng Lepanto, tinutulan ng mga minorya sa Benguet appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.