Pulang pagpupugay ang iginagawad ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog kay Oma Dag-od (Ka Nixao), magiting at matapang na Pulang kumander at kadre ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro at mahusay na lider ng katutubong Mangyan-Buhid na nasugatan at kalaunan ay namartir sa isang labanan sa Sityo Salafay, Barangay Monte Claro, San Jose, Occidental Mindoro noong Marso 29.
Nasawi si Ka Nixao na ipinamalas ang kanyang kagitingan sa paglaban sa pasistang 68th IBPA, 15th SRC at 1st IBPA na sumalakay sa kanilang yunit na payapa sanang magdiriwang ng anibersaryo ng NPA. Tinama siya ng bala sa tiyan at nakaatras pa kasama ang kanyang yunit ngunit sa proseso ng mahirap na pag-atras ay binawian ng buhay. Ipinagkait ng mga kasama ang kanyang labi sa kamay ng mga berdugo at nailibing sa kurso ng kanilang pag-atras.
Pinanday si Ka Nixao ng maagap na pagkamulat sa pang-aapi at pagsasamantalang dinaranas ng sangkabuhiran. Habang pinagkakaitan ng serbisyong panlipunan at binubusabos ng inutil na gubyerno, nasaksihan niya ang pasismo ng AFP na naghahasik ng lagim at teror sa kanilang mga pamayanan upang palayasin sila para sa dayuhang mina, pang-aagaw ng lupa ng mga panginoong maylupa at iba pang ‘proyektong pangkaunlaran’ na nais ipasok sa mga kagubatan at kabundukang pinangangalagaan ng Buhid.
Sa kilusan na natutong sumulat, magkwenta at magbasa si Ka Nixao kasama ng iba pang Buhid. Naging lider siya ng kapwa Buhid para ipagtanggol ang lupaing ninuno at mga karapatan hanggang sa matuto siyang kumalabit ng gatilyo upang maggawad ng rebolusyonaryong hustisya sa pagsapi niya sa NPA.
Sa loob ng NPA, larawan si Ka Nixao ng sikhay, sigasig, pagiging malikhain at mapamaraan sa pagtupad ng mga gawaing nakaatang sa kanya. Maaasahan siya laluna sa lalim ng kaalaman sa tereyn. Kahit saan italaga, magsisikap siyang tuparin ang mga gawaing kinapalooban tulad ng pagiging opisyal sa lohistika, produksyon, militar at kultura. Matiyaga at hindi kariringgan ng pag-ayaw sa atas si Ka Nixao na walang oras ang pagbibigay ng propaganda sa masa lalo sa mga kapwa katutubo. Tunay siyang mass worker na hindi inuurungan ang mga gawain sa rekoberi, reaktibasyon at ekspansyon sa San Jose-Magsaysay hanggang sa mga bayan ng Calintaan, Rizal at Sablayan. Sa ipinakitang husay sa pagpapanday sa gawain, itinalaga siyang kumilos sa sariling teritoryo upang pangunahan ang paglaban sa Tamaraw Reservation and Expansion program na magpapalayas sa mga Buhid sa kanilang mga kaingin at kabundukan sa saklaw ng Rizal, San Jose, Bongabong at Mansalay. Nanguna din siya sa paglaban sa itinatayong dam sa ilog Kayakyan na pipinsala sa mga katutubong Buhid na nakatira sa palibot ng San Jose at Rizal.
Tatak na ni Ka Nixao sa masa at sa mga kasama ang likas na pagiging magiliw at mahusay na makata at performer, at ang kanyang kababaang-loob. Buhay na buhay ang anumang kapehan o pagtitipon oras na pumasok at kumumpas na ang kanyang mga kamay kasabay ng pagbigkas ng mga sariling-gawang tula na kadalasa’y may linyang pilyo at/o kinapapaksaan ng pahapyaw tungkol sa pag-ibig/paghanga.
Higit sa lahat, matapang at mapangahas na Pulang kumander at mandirigma Ka Nixao na lumahok sa matatagumpay na ambus, reyd sa kampo, reyd-kumpiska sa security ng minahan, hakbang pamamarusa sa kaaaway sa uri at paglalansag sa pastuhan. Hindi rin biro ang mga depensibang labanang nilagpasan ni Ka Nixao na sa kalauna’y natutuhan niyang pakitunguhan at nagbigay ng kumpyansa sa kanyang kahit sa mga depensibang labanan ay maaaring higit na mapinsala ang kalaban. Si Ka Nixao ang mandirigmang hindi alintana at kayang lusutan ang kahit na ilandaan at libong pasistang pwersang ginagamit sa kanilang mga nakapokus na operasyon laban sa NPA at rebolusyonaryong base sa Mindoro. Bukas siyang matuto ng mga kaalaman, matiyaga rin siyang magturo sa mga baguhan ng kanyang kaalamang praktikal at mga gintong aral mula sa mga karanasan.
Ang kumbinasyon ng kanyang pagiging matalas, kritikal sa pagsusuri at mababang-loob na kanyang dala sa mga kabiguan at tagumpay ang dahilan kung bakit sa kabila ng mga dinanas na mapapait na karanasan sa rurok ng mga pinsalang dinanas sa kasagsagan ng focused military operations ay naging matatag at matapang si Ka Nixao. Tapat siyang magtanong kung may hindi siya nauunawaan at kung siya ang may mayamang kaalaman ay malugod niya itong ibabahagi sa kanyang mga kapwa opisyal at mandirigma. Sa kanyang pagpapanday sa sarili sa landas ng masalimuot na landas ng pakikibaka, nahulma ang isang Ka Nixao na hindi basta matitinag, mapagmalasakit, mahinahon at nanghahawa ng positibong awra sa panahon ng kahirapan at kagipitan.
Ang mga ambag ni Ka Nixao sa rebolusyon at kanyang katangian bilang Pulang kumander, kadre, mandirigma at lider ng mga katutubo, sa kabila ng pang-aapi at diskriminasyon ng naghaharing sistema, ang hinahangaan sa kanya ng kanyang angkan at buong sangkabuhiran. Ang kanyang buhay at pakikibaka ay inspirapsyon sa iba pang mga rebolusyonaryo na patuloy na lumalaban at tumatangan ng armas para ipagpatuloy ang kanyang sinimulang laban.
Sa pagkabuwal ni Ka Nixao, isinilang ang isang Pulang alamat na habambuhay titingalain ng kanyang lahing pinagmulan at iba pang pambansang minorya na magiting na lumalaban para sa kanilang pakikibaka sa kalayaan at pagpapasya-sa-sarili. Hindi mauubos ang dahilan ng mga katutubo at magsasakang katulad ni Ka Nixao na namulat sa kahirapan at pasismo para mag-armas at isulong ang digmang bayan. Mula ngayon hanggang sa pagdating ng ganap na tagumpay, hindi kailanman malilimot ng sangkabuhiran at buong rebolusyonaryong kilusan ang magiting na ambag ng buhay-at-pakikibaka ni Ka Nixao sa yugtong ito ng demokratikong rebolusyong bayan.
Mabuhay ang alaala ni Ka Nixao!
Pambansang minorya, lumahok sa digmang bayan!
The post Dakilain ang buhay at pakikibaka ni Ka Nixao, Pulang alamat ng katutubong Mangyan-Buhid at isla ng Mindoro appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

