Mahigpit na kinukundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang paggamit ng militar ng US ng mga sibilyang pasilidad sa pag-preposition ng mga sasakyang militar nito sa Cagayan de Oro City at kalauna’y paglilipat ng mga ito mula sa syudad tungong Subic Bay sa Zambales gamit ang mga komersyal na barkong ro-ro.
Nitong Abril na lamang isinapubliko ng US na naglagak ito ng mga Humvee sa syudad para sa pre-Balikatan war games noong Marso, at na nagsagawa ito ng “rehearsal” ng paglilipat ng naturang mga sasakyan.
“Sampal sa mukha ng mga Cagayanon na isinagawa ang prepositioning ng gamit pandigma at kunwa’y rehearsal ng paglilipat sa mga ito lingid sa kanilang kaalaman matapos nila ipahayag ang kanilang pagkabalisa sa presensya ng US sa kanilang syudad,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP. “Ipinamamalas nito ang harap-harapang paglapastangan ng US sa soberanya ng Pilipinas at kawalang pakialam nito sa sentimyento ng mga sibilyang Pilipino.”
Kinundena rin ni Valbuena ang pakikipagsabwatan ng 4th ID sa mga tropang Amerikano sa panloloko sa mga Cagayanon.
“Minabuti pa ng 4th ID na ilagay sa panganib ang seguridad ng libu-libong residente ng syudad at kalapit na lugar kaysa suwayin ang utos ng mga amo nilang Amerikano.”
Ang prepositioning ng gamit pandigma sa Cagayan de Oro at ang “rehearsal” para sa paglilipat nito ay isinagawa alinsunod sa konseptong “distributed maritime operations” (DMO) ng US Marines kung saan ikinakalat (diperse) ang mga gamit, panggatong, tropa at armas nito sa kalat-kalat na mga isla para “pagkaitan ng target” ang mga kalaban nito. Layunin ng naturang “rehearsal” ang pagsasanay sa mabilis na paglilipat-lipat ng mga gamit militar (sasakyan, misayl, kanyon at iba pa) gamit ang mga “host-nation infrastructure” o mga pasilidad ng Pilipinas, kapwa militar at sibilyan.
Naiulat na noon pang nakaraang taon nanghagilap ang US ng mga barkong ro-ro para maghatid ng mga gamit at sasakyan nito mga islang mababaw ang karagatan, at sa gayon ay hindi kayang daungan ng mga barkong pandigma. Tinawag na “21st Century Foraging,” aktibong naghanap ang US ng mga sibilyang mga pasilidad, rekurso at serbisyo para “isusteni at iilipat-lipat” ang mga pwersang militar sa halip na “umasa sa mga tradisyunal na linyang suplay pangmilitar.” Binubuo nito ang tinatawag ng US na “hybrid” na militar-sibilyan” na linya ng suplay.
“Kung gaano kainam ang paggamit ng mga sibilyang barko sa militar na US, gayundin ang kalaki ang panganib nito sa mga Pilipino,” ayon kay Valbuena. Ibinubukas nito ang mas maraming lugar at pasilidad na tinatauhan at pinatatakbo ng mga sibilyan sa atake ng mga kalaban ng US.
“Sadya nitong pinalalabo ang pagkakaiba ng sibilyan at militar, at ginagawa nitong target militar ang mga sibilyang buhay at ari-arian,” aniya. “Tahasan itong paglabag sa prinsipyo ng pangangalaga sa mga sibilyan sa panahon ng digma.”
Sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtarget sa mga sibilyang ari-arian sa panahon ng digma. Nawawala ang gayong proteksyon kung ang mga ito ay ginagamit sa layuning militar. Ang isang sibilyang barge o ro-ro na naghahatid ng mga sasakyang militar, tangke, misayl o iba pang gamit pangkombat ay maaring magiging lehitimong target militar.
“Malinaw ang intensyon ng US, kahit pa sabihin nitong “rehearsal” lamang ang paggamit ng mga barkong sibilyan, at ginagawa ito sa panahon ng “peace time,” ayon kay Valbuena. “Isusubo nito sa digma ang mga sibilyang Pilipino oras na atakehin ito ng kanyang mga kalaban.”
The post Paglagak ng gamit-militar ng US sa CDO at paggamit ng mga sibilyang pasilidad, napakamapanganib sa mga Pilipino appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

