Kinutya ng grupong Piston ang pinakahuling pakana ng rehimeng Marcos na fuel subsidy at service contracting para sa mga drayber ng pampublikong sasakyan. Anito, ang mga pakanang ito ay palpak, makupad, at inutil na mga solusyon na hindi nilulutas ang problema ng mataas na presyo ng petrolyo.

“Lagpas isang buwan na ang krisis sa langis dulot ng gerang agresyon ng US. Hanggang ngayon, pantapal at kapos na mga solusyon ang hinahain ng inutil at manhid na gubyernong Marcos,” ayon kay Mody Floranda, presidente ng PISTON.

Isang malaking panloloko ang ₱10/ltrong fuel subsidy, aniya.

“Sa bawat ₱10/litro subsidy, ₱25/litro naman ang hinuhuthot ng rehimen sa mga drayber sa porma ng buwis,” ayon kay Floranda. “Lilitaw na may tubo pa ang gobyerno na ₱15/L.”

Tinatayang aabot sa ₱161 milyon kada araw ang dagdag-kita ng gubyerno sa VAT mula nang salakayin ng US at Israel ang Iran noong Pebrero 28 o abereyd na ₱5 bilyon sa kabuuan.

Maliit na nga, pahirapan pa ang pagkuha dahil kailangan may app ng Landbank ang drayber para makakuha ng benepisyo.

Mapanlinlang na pangongontrata

Samantala, nililinlang lamang ng rehimen ang mga drayber para diumano magserbisyo sa gubyerno sa pakanang net service contracting, ani Floranda.

“Sa aktwal, lalo nitong inililihis ang pananagutan ng gubyerno na kontrolin ang pagkaganid sa tubo ng mga kartel ng langis at mga korporasyon,” aniya. Nagsisilbi rin itong pang-iwas sa pagbawas ng mga atrasadong buwis na VAT at excise tax, at dagdag-rason para pigilan ang magkatambal na panawagang fare hike at wage hike.

Ang pakanang net service contracting para sa PUVs ay magbibigay ng ₱40-₱100 kada kilometro sa 50,000 PUVs at 1,000 operators sa mga rutang konektado lamang sa mga tren at ruta ng bus. Ipatutupad ito gamit ang GPS monitoring, sa “off-peak” o mga patay na oras lamang.

“Napakaliit ng 50,000 PUVs kumpara sa aktwal na bilang,” ayon sa Piston, Ang mga tradisyunal na dyip ay bumibilang na ng 128,000. Kung isasama ang iba pa, aabot sa 300,000 PUV o public utility vehicle ang nagdurusa sa napakataas na presyo ng diesel, ayon sa grupo.

Gayundin, kakarampot lamang ang kikitain ng drayber sa pakanang ito. Katumbas lamang ₱320-₱800 kita kada ikot sa rutang minimum ang makukuhang subsidyo, kung saan gumagastos ang drayber ng ₱510 sa presyong ₱170/L ang diesel. Ibig sabihin, ₱290 lamang ang kikitain ng isang drayber kada ikot nito.

“Malaking insulto ang gabaryang kita para sa serbisyong ibinibigay ng mga tsuper,” ayon sa Piston.

Irolbak ang presyo

Imbes na papogi at panlilinlang ang gawin, dapat kontrolin ng gubyernong Marcos ng kasakiman ng mga kumpanya ng langis, ayon sa grupo.

“Tiba-tiba ang kartel ng Petron, Shell, Caltex, Unioil sa krisis na idinulot ng gera ng US at Israel.” Ayon sa isang pag-aaral, kumita ang mga kumpanyang ito ng kabuuang ₱46.5 bilyon o abereyds na ₱1.5 bilyon kada araw mula Pebrero 28.

“Dapat lang na ibasura ng gubyerno ang oil deregulation law, wakasan ang “replacement cost pricing,” at itulak ang mga kompanya ng langis na mag-rollback ng presyo, ayon sa Piston.

The post Pakanang fuel subsidy at service contracting ng rehimeng Marcos, inutil at mapanlilang appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.