Mahigpit na kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Mindanao (Bayan-SMR) ang pagtatayo ng US military ng malaking oil depot sa baybayin ng Davao Gulf. Ang plano para sa naturang depot ay noon pang Agosto 2025 inianunsyo. Nitong Abril, binuksan na ang bidding para sa konstruksyon nito. Ang kontrata ay ekslusibo sa mga kumpanyang Amerikano.
“Mahigpit naming kinukundena ang plano ng US na magtayo ng oil depot sa kanlurang baybay ng Davao Gulf,” ayon sa Bayan-SMR sa isang pahayag noong Abril 12.
Labag ang depot na ito sa soberanya ng Pilipinas dahil bahagi ito ng pagpapataw ng US ng hegemonya sa bansa at sa Pacific, gayundin sa paghahanda nito para sa imperyalistang gera laban sa China. Tinawag na Defense Fuel Support Point (DFSP), ang depot ay magsisilbing “gasolinahan” ng mga barko at eroplanong pandigma ng US sa buong Asia.
Kinundena rin ng grupo ang pahayag ng AFP na “walang dapat ipag-alala” ang mga Dabawenyo dahil sakop daw ito ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Ayon sa Bayan-SMR, minamaliit ng AFP ang katotohanang potensyal na target ng mga kaaway ng US ang DFSP. Sa kasalukuyan, isa nang malaking target ang Pilipinas dahil sa masisinsin at malalaking war games na isinasagawa ng US sa karagatan, kalupaan at kahanginan ng bansa. Nitong Marso-Abril lamang, patong-patong na war games ang isinasagawa ng US sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa ilalim ng Salaknib-Cope Thunder-Balikatan 2026.
“Ang mga aktibidad na ito ay hindi lamang nagpapataas ng tensyon sa rehiyon, nagbubukas din ito sa mga banta sa mga komunidad sa anyo ng mga paglabag sa karapatang-tao, pagkawasak ng kalikasan, militarisasyon ng mga espasyong sibil — lahat sa ngalan ng pagtutulak ng mga estratehikong interes ng US sa Asia,” babala ng Bayan-SMR.
Target ng mga kalaban ng US
Inamin mismo ng US na ang paglalagay ng DFSP sa Davao ay alternatibo sa mga fuel depot nito sa Luzon na nakaharap sa South China Sea na anito’y “bulnerable sa atake ng China.” Bahagi ito ng Distributed Maritime Operations (DMO) ng US o ang pagkalat (dispersal) ng lohistika para hindi madaling targetin ng kalaban kumpara sa pag-iimbak sa mga ito sa isang malaking base na madaling gapiin ng kalaban.
Isa itong strategic fuel prepositioning para sa mas mabilis na pagmaniobra ng mga pwersang US oras na sumiklab ang isang “high intensity conflict” o armadong kumprontasyon sa rehiyon. Wala itong aktwal na gamit o pakinabang sa Pilipinas, kahit sa AFP, at sa mga Pilipino. Bagkus, magdadala pa ito ng agarang panganib sa mga komunidad sa palibot ng pasilidad at sa kanilang mga kabuhayan.
Magsisilbing panghalili ang Davao DFSP sa Red Hill Bulk Fuel Storage Facility sa Pearl Harbor, Oahu, Hawaii na nagsara noong 2022 dahil sa malulubhang fuel leak na nakontamina sa iniinom na tubig ng libo-libung residente sa Hawaii. Matapos napilitang isara ang Red Hill, naghanap na ang US ng mga lokasyon pang-imbakan ng panggatong para sa mga operasyon nito sa Central Pacific. Isa sa mga natukoy nito ang Davao. May balitang magtatayo rin ng karugtong na fuel storage sa Papua New Guinea at Australia.
Maglalagak ang US sa Davao ng hanggang 41 milyon US gallon (155.2 milyong litro) ng langis para sa mga barko at eroplanong pandigma nito na lumilibot sa South China Sea, Celebes Sea at kabuuan ng first island chain. Katumbas ito sa 40% na dating nakaimbak sa Red Hill.
Tutang rehimen
Pinuna ng Bayan-SMR ang rehimeng Marcos dahil sa “tahasang pangangayupapa nito sa imperyalismong US, na nagbukas sa imperyalismong US.” Binanggit nito ang pagpirma ng rehimen sa Bilateral Defense Guidelines, pag-deploy ng Typhon missile system sa Northern Luzon, at patuloy na pagpapalawak ng mga EDCA site bilang mga hakbang na lalong nagkakaladkad sa bansa sa mga gerang pinasisiklab ng US.
Hamon sa lokal na gubyerno ng Davao City at Davao del Sur na tumutol sa DFSP at ipagtanggol ang soberanya laban sa dayuhang militar, ayon sa Bayan-SMR. Panawagan din ng grupo na ibasura na ang lahat ng mga kasunduang militar tulad ng VFA, at MDT, na nagbibigay-daan sa matagalan at palagiang presensya ng mga tropa at gamit-militar ng US sa bansa.
The post Pagtatayo ng oil depot ng US sa Davao, kinundena ng Bayan-SMR appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

