Brutal na inatake at binuwag ng mga pulis at mga tauhan ng Monocrete Construction Company (MCC) ang barikada ng mga residente ng Panday Creekside sa Barangay Palingon, Taguig City noong Abril 13. Tinatayang 1,000-kataong demolition team ang sumugod sa komunidad para sa gibain ang mga bahay, kasama ang halos 300 tauhan ng Philippine National Police (PNP) at mga yunit ng SWAT.

Tumagal ng isang oras ang komprontasyon ng mga nagbarikada at pulis bago tuluyang napasok ang komunidad at nasimulan ang demolisyon. Dala-dala ng demolition team ang 15 backhoe na panggiba sa mga bahay.

Gumamit ang mga pulis ng tirgas, naghagis ng mga bote, at nagpakat ng mga isnayper laban sa mga residente. Inaresto ng mg aito ang di bababa sa pitong residente, kabilang ang dalawang kabataang boluntir medik mula sa Anakbayan Taguig na nakiisa sa barikada. Sinampahan sila ng tig-tatatlong kaso.

Sa unang gabi ng demolisyon, pinutol rin ng mga tauhan ng MCC ang mga linya ng tubig ng mga residente na pinalalayas. Sinimulan na rin ng mga ito ang pagbabakod sa eryang inaagaw ng korporasyon.

Noong Abril 14 ng gabi, iniulat ng mga residente na pinipigilan na silang makapasok sa erya para kunin at isalba ang kanilang mga gamit. Maraming pamilya ang nananatiling nasa kalsada kung saan sila pansamantalang nagpapahinga dahil walang malilipatan.

Ayon sa mga residente, iligal ang isinagawang demolisyon ng MCC at mga tauhan nito sa Panday Creekside. Wala umanong batayang ligal ang paggiba sa halos 200 bahay ng mga sharer, tenant, at iba pang residente sa komunidad. Anila, ang ipinakikitang dokumento ng MCC mismo na Writ of Execution No. 8390-A ay nagsasabing sampung bahay lamang ang gigibain.

Noong 2011 unang lumutang ang pang-aangkin sa lupa sa Panday Creekside ng nagpapakilalang Jaime Lontoc. Dalawang taon makalipas, lumitaw naman ang MCC na umaangkin rin sa lupa. Nagkaroon ng tangkang demolisyon sa komunidad noong 2015 ang MCC na napigilan ng mga residente.

Sa kasalukuyan, patuloy ang panghaharas at pangungumbinsi sa mga residente na tanggapin ang kumpensasyon na halagang ₱30,000-₱41,000 kapalit ng pag-self-demolish o pagwasak nila sa sariling bahay.

Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga residente ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-National Capital Region. Anang grupo, sa kabila ng pambansang krisis ng pagtaas ng presyo ng langis at mga batayang bilihin, tuluy-tuloy pa rin ang marahas na pagpapalayas sa mga maralitang lungsod. “Magkaisa at ipaglaban ang batayang karapatan at kalayaan ng mamamayan ng National Capital Region!” panawagan nito.

Patuloy ang nakikiisa ng Anakbayan Taguig sa mga residente ng Panday Creekside. “Ang bahay ay karapatan, hindi pribilehiyo. Ang paninindigan ng Pandaycreek ay paninindigan ng bawat maralitang lungsod na nagnanais ng dangal at hustisya,” anito.

Noong Abril 13 ng gabi, nanawagan si Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa mga mambabatas na suportahan ang isang moratoryum sa demolisyon ng mga komunidad laluna sa gitna ng krisis sa ekonomya. Ipinahayag ito ni Elago sa joint committee hearing hinggil sa pagdedeklara ng National Energy Emergency.

The post Barikada kontra demolisyon sa Taguig City, marahas na binuwag appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.