Mariing pinabubulaanan ng Eduardo Olbara Command-BHB Camarines Sur ang palabas ng 9th ID na may naganap na labanan sa pagitan ng pinagsanib na pwersa ng AFP-PNP noong Abril 9, 2026 bandang 4:30 hanggang 5:00 ng hapon kaya halos tumagal ng 30 minutos ang pagpapaputok ng mga mersenaryo sa kunwaring yunit ng NPA sa Barangay Pararao, bayan ng Balatan Camarines Sur noong hapon ng Abril 9. Pakana lamang ito ng AFP-PNP upang bigyang katwiran ang militarisasyon at paghahasik ng teror nito kahit na walang yunit ng BHB sa nasabing lugar.
Para maging kapani-paniwala, pinatagal ng pasistang tropa ng 30-minuto ang putukan at gumamit pa ng 2 helikopter. Matapos ang labanan ay ginamit pa nito ang punong barangay na si Cherry Renoloyan para magsalita sa plaza na magsumbong ang taumbaryo pag may nakitang mga NPA. Dagdag pa sa kasinungalingan, may narekober umano na ilang dokumento at mga gamit pangkomunikasyon sa lugar ng pinaglabanan.
Hindi na bago ang ganitong mga palabas ng AFP. Matatandaan noong Enero 2019, inilabas ang pekeng balita na mayroong naganap na magkakasunod na labanan sa pagitan ng AFP-PNP at NPA sa Barangay Kaorasan sa Bula at Barangay Mangga sa Bato sa lalawigan ng Camarines Sur. Sa parehong buwan, pinatay pa ng pasistang tropa ang isang sibilyan na si Ronel Sistoso na residente ng Barangay Karaosan.
Gawain na rin ng AFP-PNP na ipalabas na ang mga naganap na labanan ay sa pagitan nito at ng NPA, ngunit ang totoo ay sariling mga pwersa nito ang nakakaengkwentro nila. Ilan sa mga pagkakataong ito ay ang insidente noong Pebrero 2023 kung saan napatay ang 2 sundalo ng 81st IB sa Sityo Nalalata ng Barangay Inuyunan, at noong Setyembre 2023 sa Barangay Lubgan sa Bula na ikinamatay ni 2nd Lt. Delion ng 81st IB sa kamay ng AFP-PNP na mula sa detatsment ng Nierva. Inulan ito ng batikos ng mamamayan dahil sa idinulot nitong matinding takot hanggang sa ipinasara ang kampo ng Nierva.
Nananawagan ang Eduardo Olbara Command sa mamamayang Bikolano na tutulan at labanan ang anumang pagpapakalat ng mga pekeng balita at disimpormasyon laban sa BHB. Kasabay nito, dapat na ilantad ng mamamayan ang mga paglabag ng mga pasistang tropa ng estado sa kanilang karapatang pantao.
The post Pekeng labanan sa Barangay Pararao bayan ng Balatan, gawa-gawa ng AFP-PNP appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

