Nagtayo ng mga kubol at nagkampuhan ang mahigit 2,000 maralitang-lunsod mula sa Quezon City, Caloocan City at Bulacan sa pambansang upisina ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Barangay Batasan Hills, Quezon City. Sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) at Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan (PLM), nagsimula ang kampuhan noong Abril 13 para igiit ang kumpensasyon sa mga nasalanta ng kalamidad.

Ayon sa Kadamay, inutil at walang malinaw na tugon ang DSWD sa pangangailangan ng mga maralitang komunidad na tinamaan ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante, at Emong. Ang tatlong bagyo ay tumama sa bansa noong Hulyo 16-24, 2025, halos isang taon na ang nakararaan.

“Sa halip na umaksyon, pinaikot-ikot ang mga biktima sa mapanupil at mabagal na burukrasya,” pahayag ng grupo. Ipinasa umano ng ahensya sa maralita ang mga teknikal na proseso katulad ng pagbuo ng masterlist na dapat ay responsibilidad ng gubyerno.

“Lantad ang kawalang-puso ng DSWD,” ayon sa Kadamay. Ilang ulit umanong kinwestyon ng ahensya ang krisis na araw-araw hinaharap ng mga komunidad na patuloy na lumulubog sa panibagong mga kalamidad.

Sa ikalawang araw ng kampuhan, minanmanan ng hinihinalang mga ahente sa intelidyens ng mga pulis ang mga maralita na lumalahok sa pagkilos. Kumuha ang mga ito ng nga larawan ng mga kalahok. Nang komprontahin ng Kadamay, tumakbo at nag-umang ng baril ang mga ahente.

Iniulat din ng grupo ang karagdagang mga pwersa ng Philippine National Police (PNP)-SWAT na ipinadala sa kampuhan para dahasin ang mga maralitang-lunsod. Hindi bababa sa tatlong iskwad ng pulis ang nasa lugar. “PNP, tunay na papet ng gahaman, pahirap lalo sa mahirap!” ayon sa grupo.

Magpapatuloy ang kampuhan ng mga maralitang-lunsod sa DSWD. Malban sa panawagan para sa ayuda, kinundena nito ang imperyalistang pandarambong sa kalikasan. Giit rin nila ang pagpapanagot sa rehimeng US-Marcos Jr sa kriminal na kapabayaan sa mamamayan sa panahon ng mga kalamidad at krisis sa klima.

Noong Enero, daan-daang maralitang-lunsod ang sumugod at nagprotesta sa DSWD para sa kumpensasyon, pananagutan at hustisya. Kaagad rin silang kumilos noong Agosto 2025 para sa mga kahingiang ito.

The post 2,000 maralitang-lunsod, nagkampuhan sa pambansang upisina ng DSWD appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.