Nagprotesta ang mga progresibong grupo sa Davao City noong Abril 9 para muling ipanawagan ang paglilitaw sa desaparesidong lider-manggagawa ng Southern Mindanao na si William Lariosa. Huling namataan si Lariosa sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon noong Abril 10, 2024 kung saan dinukot siya ng mga elemento ng 48th IB.

Si Lariosa ay beteranong organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Simula dekada 1990, nag-oorganisa na siya sa hanay n mga manggagawa sa mga plantasyon ng pinya at tubo sa Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur, at ilang bahagi ng Bukidnon.

Dalawang taon matapos ang kanyang pagkawala, patuloy ang paghahanap kay Lariosa ng kanyang pamilya, mga kaibigan at kasama. Pinangunahan ng Surface William Lariosa Network (SWLN) ang kampanya para ilitaw si Lariosa at panagutin ang mga sangkot sa pagdukot sa kanya. Binatikos rin nila ang rehimeng US-Marcos sa nagpapatuloy na atake sa mga manggagawa at organisador.

Noong nakaraang taon, naghain ang pamilya ni Lariosa ng writ of amparo sa Korte Suprema, at humingi na rin ng tulong sa UN Working Group on Enforced or Involuntary Disappearances.

“Higit pa nating palakasin ang laban upang makamtan ng pamilya ni William ang hustisya, at mapanagot ang mga maysala sa kanyang sapilitang pagkawala,” ayon sa KMU.

The post Paghahanap sa desaparesidong lider-manggagawa sa Davao, nagpapatuloy appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.