Imbes na magtanghalian, nagmemeryenda na lamang ng street food (pagkain sa bangketa) si Manong Pedro, isang drayber ng traysikel sa Cagayan Valley, para may maiuwing kita sa pamilya. Kumikita lamang siya ng ₱500 sa isang araw, bago ibawas ang ₱200 para sa diesel. Sarili niyang pag-aari ang traysikel, kaya wala siyang bawndari at singil sa TODA na ₱10 lamang ang dagdag na kaltas sa kanyang kita. May utang siya sa isang talyer na ₱1,000 nang minsang nawasak ang gulong ng kanyang traysikel at binabayaran niya ito ng ₱10 kada araw. Matapos ang maghapong pamamasada, ₱190 lamang ang naiuuwi niya sa kanyang pamilya.

Hindi nag-iisa si Manong Pedro. Tulad niya, pagkain ang tinamaan sa pagbagsak ng kita ni Jack, isa ring traysikel drayber.

“Isang kilong bigas at dalawang maliit na lata ng sardinas,” ang sagot niya sa tanong kung ano ang nabibili ng buong araw niyang kita. Kumikita si Jack ng ₱600, pero ibabawas pa rito ang ₱200 na gasolina, ₱250 na bawndari at ₱10 na TODA fee. Bagsak sa ₱140 na lamang ang naiiuwi niya sa maghapong pamamasada.

“Mabuti na lamang kung may magpapalaba sa aking asawa at nadadagdagan ang kita naming pamilya,” aniya, Maaring kumita ng ₱500 ang kanyang asawa sa isang araw na paglalaba. Pero kahit pagsamahin pa nila ang kanilang kita (₱640), malayo pa rin ito sa nakabubuhay na sahod na ₱1,200.

Kasabay na nagmahalan ang mga bilihin, ayon kay Ate Sally, may-ari ng isang maliit na karinderya sa syudad. Hindi na niya alam paano pagkasyahin ang puhunan, lalo’t hindi naman niya pwedeng basta-basta itaas ang presyo ng kanyang lutong paninda.

“Bago ang mega-taas ng presyo ng langis, kumikita ako ng ₱500 kada araw, pero ngayon, ₱300 na lang,” salaysay niya.

Di lang LPG ang nagtaas, pati presyo ng gulay at bigas nagtaasan rin. Ang binibili niyang bigas na dati ay ₱52/kilo ay naging ₱56, ang repolyo na dating ₱20/kilo ay naging ₱25. Ang iba pang gulay gaya ng talong at ampalaya ay tumaas ng ₱10, mula 80/kilo ay naging ₱90. Sa araw-araw na pamamalengke niya ng lulutuing pagkain ay namamasahe siya ng ₱100 sa inaarkilang tricycle.

Tripleng dagok

Ang Cagayan Valley ang may isa sa pinakamataas na pagtaas ng presyo ng langis noong Marso. Sa katapusan ng buwan, nasa ₱120/litro ang abereyds na presyo ng diesel sa rehiyon, at ₱96/litro ang gasolina. Lalo pa itong tumaas pagpasok ng Abril.

Bago pa tumama ang sunud-sunod na pagtaas na presyo ng langis, malaki na ang agwat ng sahod kumpara sa nakabubuhay na sahod sa rehiyon (-₱635). Dati na ring mataas ang tantos ng kahirapan dito (10% sa kabuuang populasyon noong 2023).

Sa gayon, triple ang dagok ng dambuhalang pagtaas ng presyo ng langis sa kabuhayan ng mga Cagayanon. Tumaas ang gastos sa paghahanapbuhay, lumaki ang agwat ng kita sa nakabubuhay na antas, at lalong dumami ang naghihirap sa rehiyon.

Inutil na gubyerno

Ipinagmalaki ng rehimeng Marcos ang ayuda na ipinamimigay nito para agapan ang malalim na pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan. Noong Abril 8, nagsagawa ng pamamahagi ng ₱5,000 ang lokal na gubyerno sa Tuguegarao para sa mahigit 7,000 traysikel drayber. Bukod sa napakatagal na (isang buwan nang walang habas ang pagtaas ng mga presyo), isahang bigayan lamang ito. Hindi ito tatagal sa gitna ng nagaganap na krisis.

Hanggang ngayon, tumatanggi ang rehimeng Marcos na tanggalin ang VAT at excise tax na nakapatong sa diesel at gasolina para mabawasan ang binabalikat ng mga katulad nina Manong Pedro, Jack at Ate Sally.

The post Mataas na presyo ng langis, tripleng dagok sa mamamayan sa Cagayan Valley appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.