Naglunsad ng limang araw na kampuhan, mula Abril 8 hanggang 13, ang mga magsasaka, mangingisda, manggagawang bukid sa tubuhan, drayber, manggagawa, kabataan at iba pang sektor mula sa iba’t ibang munisipalidad sa District 1 ng Batangas sa Liwasang Bonifacio, Manila City. Panawaagn nila ang pagtanggal sa value-added tax at excise tax sa mga produktong petrolyo, pagtataas ng sahod, at pagbaba ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Noong Abril 13, halos 2,000 magsasaka, magtutubo at mangingisda ang nagtungo sa House of Representatives sa Quezon City mula sa kampuhan nila sa Liwasang Bonifacio upang igiit ang kanilang mga panawagan. Kabilang sa lumahok sa pagkilos ang KAISAHAN-Batangas, SAMBAT, HABAGAT at KASAMA-Timog Katagalugan.
Ayon sa mga raliyista, mahigit ₱100 na ang presyo ng krudo at nasa ₱2,500 na ang presyo ng isang bag ng abono. Tumaas din ang presyo ng LPG na nasa ₱1,500 kada 11 kilo, gayundin ang bigas na nasa ₱65 na kada kilo. Samantala, nakapako sa ₱450 hanggang ₱600 ang sahod ng mga manggagawa sa Batangas.
Nakiisa ang Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) sa mamamayan ng Batangas sa kanilang panawagan.
“Walang sariling lupang matatamnan ng pagkain ang mga manggagawa sa agrikultura, at kung bibili naman sila ng pagkain, saan kukuha ng pambili kung ₱525 lang ang minimum wage sa rehiyon?” pahayag ni Ariel Casilao, pambansang tagapangulo ng UMA. Aniya, makatuwiran ang mga panawagan ng mga mamamayan ng Batangas at ng buong bansa sa gubyernong nagbibingi-bingihan sa mga hinaing ng bayan.
Nananawagan ang UMA sa Department of Agriculture na ipamahagi na ang subsidyo sa produksyon para sa maliliit na magsasaka. Giit niya rin ang subsidyo sa sahod upang matulungan ang mga magsasaka at plantador na patuloy na mabayaran ang mga manggagawa sa tubuhan para sa kanilang kabuhayan.
The post Kampuhan ng mga magsasaka mula sa Batangas, inilunsad sa Maynila appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

