13Daan-daang myembro ng mga pambansa-demokratikong organisasyon ang nagmartsa tungong embahada ng US noong Abril 9 para kundenahin ang imperyalistang gera ng US sa Iran at ipanawagan ang agarang pag-alis ng mga base at tropang Amerikano sa bansa. Ang araw ay itinakda ni Donald Trump, presidente ng US, na dedlayn ng pagsurender ng Iran at kung hindi ay pauulanan niya ng bomba ang bansa. Umatras ang US sa bantang ito matapos sinagot ng Iran ng sariling banta na pauulanan nito ng bomba ang lahat ng mga pasilidad ng US at mga alyado nito sa Middle East.

Sa pangunguna ng Bayan, kinundena ng mga raliyista ang gerang agresyon at walang awat na pambabanta ng US at Israel sa Iran at mamamayan nito. Ipinahayag nila ang pagdududa sa intensyon ng US na makipagtigil-putukan sa Iran. Katunayan, ilang araw matapos ang balitang pag-uusap ng US at Iran, bumagsak na ang usapan dahil sa patuloy ng pamboboma ng US at Israel sa Lebanon. Saklaw ng mga kahingian ng Iran sa usapan

Kinundena rin ng mga nagprotesta ang pagkaladkad ng rehimeng US-Marcos sa mamamayang Pilipino sa mga walang katapusang gerang imperyalista.

“Hindi malayo ang digmang ito,” ayon sa Bayan. “Tinatamaan na nito ang mga pamilyang Pilipino.”

Dagdag sa pagsirit ng presyo ng langis at mga batayang bilihin, apektado ang higit dalawang milyong migranteng Pilipino na nagtatrabaho sa Middle East.

“Ito ay gera ng imperyalismo, at palaging sa mahihirap ang tama nito,” ayon sa Bayan.

Kasama sa mga nagprotesta ang kabataan mula sa League of Filipino Students na nanawagan para sa pagtigil sa isinasagawa ng US na Balikatan war games sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

“Isinusubo tayo ni Marcos sa mas matinding gera at krisis dahil sa pagiging sunud-sunuran niya sa U.S. Nananawagan tayo ng pagkakaisa sa mga Pilipino laban sa gerang agresyon ng U.S. na pahirap sa buong bayan!” ayon sa grupo ng mga estudyante.

Sa bahag ni ACT Teachers Representative at Deputy Minority Leader Antonio Tinio, ipinaalala niya na ang Abril 9, na ginugunita bilang Araw ng Kagitingan, ay hindi simpleng kwento ng kagitingan kundi isa ring “aral ng imperyalistang pagsuko at pag-aabandona ng US sa Pilipinas,” lalo sa harap ng pangangayupapa ng rehimeng Marcos sa US.

“[Ito ay] patunay na ang isang palagiang isasakripisyo ng isang imperyalistang kapangyarihan ang isang kolonya kung mag-iiba ang mga prayoridad nito,” ayon kay Tinio. Kitang-kita, aniya, sa Middle East kung paano tinatrato at iniiwan ng US sa ere ang mga estadong sumusuhay sa kapangyarihan nito sa rehiyon nang umarangkada na ang mga atake ng Iran sa mga base militar at negosyong Amerikano sa Middle East.

“Isinusugal ni Marcos Jr ang buhay ng ating mamamayan sa pamamagitan ng pagtransporma sa Pilipinas tungong isang forward base,” aniya. “Kung sisiklab ang digmaan, hindi tayo mapuprotektahan, magagamit tayo.”

Panawagan ng mga raliyista, magkaisa at manindigan laban sa imperyalistang mga digma.

“Ang pakikibaka para sa kapayapaan ay di nahihiwalay sa pakikibaka laban sa imperyalismo,” pahayag ng Bayan. “Naninindigan kami kasama ang lahat ng mga bayan at mamamayang lumalaban sa dominasyon, at pinagtitibay namin ang aming komitment na itaguyod ang isang makatarungan at matagalang kapayapaan sa basehan ng soberanya, dignidad at tunay na independensya.“

The post Itigil ang imperyalistang digma, panawagan ng mga pambansa-demokratikong grupo appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.