Nakibahagi ang mga Pilipino, sa pangunguna ng mga taong-simbahan kabilang ang ilang lider ng Simbahang Katoliko sa bansa, sa Prayer Vigil for World Peace noong Abril 11 na ipinanawagan ni Pope Leo XIV. Ang araw ng panalangin ay may kaakibat na panawagang itigil ang panggegera ng US-Israel sa Iran at simulan ang sa dayalogo at negosasyon.

Sa nagdaang mga araw, direktang tinuligsa ni Pope Leo XIV ang pasistang hibang na pangulo ng US na si Donald Trump sa kanyang panggegera sa Iran. Ayon sa Santo Papa, ang mga pahayag ni Trump na nagdedeklarang uubusin at dudurugin ang sibilisasyon ng Iran ay “tunay na hindi katanggap-tanggap” at lumalabag sa internasyunal na makataong batas.

Kaugnay nito, pinangunahan ni Most Rev. Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines, ang banal na misa sa Our Lady of Remedies Parish sa Malate, Maynila. Sinundan ito ng isang programa, pagpapatunog ng mga kampanilya at pagtitirik ng kandila sa Rajah Sulayman Park sa Roxas Boulevard. Lumahok sa mga ito ang Hayuma, Conference of Major Superiors in the Philippines, Our Lady of Remedies (Malate Church), at grupong One Faith. One Nation. One Voice. (o One Voice) at iba pang mga grupong sektoral.

“Bilang mga Pilipino, nagkakaisa tayo sa iisang tinig: ang ating sigaw para sa kapayapaan ay higit pa sa isang pangmatagalang tigil-putukan,” ayon sa One Voice. Isa umano itong panawagan para sa paggalang sa soberanya ng bawat bansa, pagprotekta sa kanilang kapakanan, at pagtiyak sa katarungang panlipunan, kalayaan, at kabutihang panlahat.

“Kaisa tayo ng Banal na Ama, Papa Leo XIV, sa pananalangin para sa kapayapaan sa Iran at sa buong mundo,” ayon sa grupo. Dagdag nito, ang nangyayaring gera sa Middle East ay nakaaapekto sa ating lahat, at kahit sa Pilipinas, ay dinaranas ng mamamayan ang epekto ng sumisirit na mga presyo ng langis at ibang bilihin.

Kinundena ng grupo ang kamatayan at pagkawasak na dulot ng dayuhang interbensyon at gera dahil ang mga mahihirap ang pinakanapipinsala nito. “Habang naghahangad ng dominasyon at imperyalistang pananakop ang mga superpower, marami ang napapahamak,” ayon pa sa One Voice. “Partikular nating ipinapanalangin na itigil na ng US ang kanilang mga pag-atakeng militar sa iba pang soberanong bansa.”

Nanawagan ang grupo sa mga Pilipino na makiisa sa paglalakbay at panalangin para sa pagtataguyod ng kapayapaan. “Diyos ng Lahat, bigyan Mo kami ng tapang na magsalita laban sa mga gerang agresyon ng US: sa Iran, Palestine, Venezuela, Cuba, at iba pang mga bansa sa mundo,” panalangin ng grupo.

“Diyos ng Katapangan, palakasin Mo ang aming loob na tumindig kaisa ng mga bansa at mamamayang nakararanas ng pakikialam at interbensyon ng US. Tulungan Mo kaming magsilbing inspirasyon sa mga taong may pananampalataya, lalo na sa US, na magsama-sama at itaguyod ang kapayapaan sa buong mundo,” ayon pa sa kanilang panalangin.

Ang buong panalangin ay inilunsad ng grupo noong Abril 11. Nangangalap ng pirma para rito ang mga taong-simbahan bilang pagsuporta sa panalangin para sa kapayapaan.

The post Mga Pilipino, nakiisa sa panalangin para sa kapayapaan, kontra gerang agresyon ng US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.