Inilunsad ng komunidad ng mga Pilipino noong Marso 29 sa Los Angeles, California, US ang kampanyang Justice for Trafficked Lancaster Caregivers (J4TLC) upang ilantad ang kalagayan ng mga Pilipino na nagtatrabaho bilang caregiver sa US at ipagtanggol ang kanilang karapatan at kagalingan.

Noong 2024, isang grupo ng mga Pilipinong caregiver, o tagapangalaga ng matatanda, mula sa Lancaster ang lumapit sa Migrante San Fernando Valley upang iulat ang nararanasan nilang pang-aabuso.

Karamihan sa kanila ay nakarating sa US sa pamamagitan ng State 101, isang travel agency na nakabase sa Pilipinas, na nagpoproseso ng B1/B2 visa (non-migrant visa). Ang visa na ito ay iginagawad sa mga dayuhang gustong pumasok sa US para sa negosyo o turismo.

Bago bumyahe, pinangakuan ang mga manggagawa ng libreng pagkain at tutuluyan, buwanang alawans na ₱99,000 at tulong para makakuha ng ligal na papeles. Nagbayad sila ng ₱385,000 upang pumaloob sa programa.

Sa halip, binabayaran lamang sila ng $70 (₱4,200) kada araw nang makarating sa US na aabot lamang sa ₱84,000/buwan. Kinailangan nilang magtrabaho nang buong gabi nang walang kumpensasyon. Walang ibinigay na paayos na matutuluyan at pinatutulog sila sa garahe ng pasilidad.

Panawagan ng mga manggagawa na itigil ang mapang-abusong patakaran ng kumpanya, papanagutin ang State 101 at tuluyan itong ipasara. Nananawagan din sila sa mga ahensya ng gubyerno tulad ng Department of Foreign Affairs at Migrant Workers’ Office na kundenahin ang abusadong mga employer, tiyakin na makuha ng mga manggagawa ang kanilang sahod at magbigay ng agarang ligal na tulong at ayuda sa kanila. Panawagan nila kay Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang ugat ng sapilitang migrasyon at tiyakin na may proteksyon ang mga Pilipino sa ibayong dagat.

Ayon sa J4TLC, ang naranasan ng mga caregiver ay isa lamang sa mga kaso na nararanasan ng mga migranteng Pilipino ang kulang sa pagpapasahod, pang-aabuso, at labor trafficking.

“Ang kampanya na ito ay nagpapakita na ang kayang lumaban ng mga migranteng manggagawa para sa trabahong may dignidad, saan man sila naroroon,” pahayag ng J4TLC.

___
*₱60= $1

The post Hustisya para sa mga biktima ng human trafficking sa US, ipinanawagan ng mga Pilipinong migrante appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.