Sinimulan noong Abril 11 ng iba’t ibang sektor at grupo sa Cebu City sa pangunguna ng Carbon-hanong Alyansa ang pangangalap ng 100,000 pirma para sa isang petisyon laban sa pribatisasyon ng Carbon Public Market.

Ayon sa Carbon-hanong Alyansa, ang petisyon ay isusumite sa Cebu City Council para hilingin ang isang lehislatibong hakbang at pagrepaso sa pribatisasyon. Makakatuwang ng alyansa sa pagkalap ng pirma ang Cebu Market Vendors Multipurpose Cooperative (CEMVEDCO), the Cebu City United Vendors Association (CCUVA), Bato Ermita Community and Neighborhood Association Incorporated (BECANAI), at iba pang grupo.

Isang linggo ang itatagal ng pangangalap ng pirma ng alyansa. Magtatayo ito ng mga istasyon sa palengke kung saan ipupwesto ang petisyon at magpapapirma ang mga grupo.

Nasapribado at naipailalim na sa pangangasiwa ng Cebu2World Development Inc. (C2W) ang Carbon Market alinsunod sa Joint Venture Agreement (JVA) nito sa lokal na gubyerno ng Cebu City. Pinirmahan ng lokal na gubyerno ng Cebu City ang JVA sa Megawide Construction Corporation noong Enero 11, 2021 at noong Mayo 27, 2021 ay inilipat ang kasunduan sa C2W.

Sa pribatisasyon ng palengke, tinatayang 16,000 na manininda at trabahador ang mawawalan ng pwesto at trabaho. Inaasahang magtataas ng singil sa pwesto at ipagsisiksikan ang mga manininda sa mas maliliit na espasyo. Dagdag dito, tinatayang 700 kabahayan ang idedemolis sa katabing Sityo Bato, Barangay Ermita na sasaklawin ng konstruksyon ng bagong mga gusali.

Ayon sa mga grupo, higit na napakahalaga ngayon na maigiit na panatilihing pampubliko ang palengke laluna at kumahaharap ang mamamayan sa lumulubhang krisis sa ekonomya. Nakatutulong umano ang palengke para tiyakin na aksesible at mura ang mga batayang bilihin.

Ang pangangalap ng pirma ng Carbon-hanong Alyansa ay bahagi ng mga pagsisikap nito para ipagtanggol ang kanilang karapatan at kagalingan kaugnay ng Carbon Public Market. Noong Marso, sunud-sunod na mga aktibidad at protesta ang inilunsad ng alyansa para ipakita ang pagkakaisa laban sa pribatisasyon ng palengke.

Hindi rin nagpatitinag ang alyansa sa pananakot at panggigipit na kanilang kinahaharap dahil sa pagtindig para sa kanilang karapatan. Binatikos ng alyansa ang serye ng Red-tagging at pagbabansag sa “terorista” sa mga tutol sa pribatisasyon.

Naiulat noong Marso 26 ang paglitaw ng mga poster sa Carbon Public Market na nagbabansag sa kanilang “terorista” at nag-Red-tag sa grupo. Mayroong mga contact number ng Philippine National Police Station 6 at Pasil Police Station ang mga ito at nanghihikayat na iulat sa kanila ang mga aktibidad ng alyansa.

The post Kampanyang pagpapapirma sa petisyon para ibasura ang pribatisasyon ng Carbon Public Market, inilunsad appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.