Matagumpay na napigilan ng mga residente ng barangy Imok, Calauan, Laguna ang planong pagtatayo ng 84.23 ektaryang sanitary landfill sa kanilang komunidad. Kabilang sa nakaplanong saklawin ng proyekto ang lupang sakahan at mataas na bahagi ng bundok ng Kasilungan.

Sa isang espesyal na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan noong Abril 8, ipinasa ang desisyon na tanggihan ang permit ng sanitary landfill ng kumpanyang South Luzon Waste Management Corporation.

Kasabay ng sesyon ang protesta ng mga residente ng barangay Imok, mga residente mula sa San Pablo City, grupong Pagkakaisa at Ugnayan ng Mamamayang Tutol sa Landfill (PUMATOL), San Pablo Ayaw sa Korapsyon (SAPAK), Samahan ng Pitong Lawa-San Pablo, at Save Laguna Lake Movement sa labas ng Laguna Provincial Capitol.

Aktibong tinututulan na ng mga residente ang proyekto mula pa Pebrero. Noong Marso 11, ipinasa ang ordinansa na nag-apruba sa landfil sa kabila ng malawak na pagtutol ng mga residente, magsasaka, mangingisda ng Calauan at kalapit na bayan ng San Pablo City. May ilang bahagi ng bundok ang sinira na ng kumpanya.

Unang itinanggi ng lokal na gubyerno na may planong landfill sa komunidad. Tinakot ng mga pulis at tauhan ng punong bayan ang mga residente at pinilit na tanggalin ang nakakabit na mga panawagan sa kanilang bahay. Nagbabala pa si Roseller Caratihan, meyor ng Calauan, na kakasuhan niya ang sinumang tututol sa plano.

Giit ng mga residente, magdudulot ang proyekto ng panganib sa kalidad ng hangin at tubig sa lugar, pati na rin sa kalusugan at kaligtasan ng mga naninirahan sa apektadong lugar.

Bagamat hindi pa nakauha ng buong pag-apruba ang proyekto, nagbigay na ng Cerficate of Non-Coverage o katibayan na walang matatamaang protektadong lupa ang proyekto ang Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau 4A.

The post Planong sanitary landfill sa Laguna, napigilan ng mamamayan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.