Binatikos ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang iginawad ng Regional Wageboard ng Bicol na baryang ₱20 na dagdag sa minimum na sahod sa rehiyon.
“Napakalaking sampal nito sa mukha ng mga manggagawa!” pahayag ni Mary Ann Castillo, pangkalahatang kalihim ng KMU. Aniya, napakababa na ng kasalukuyang minimum na ₱430, at kahit dagdagan ng ₱20, 38% lamang ito sa nakabubuhay na sahod.
Kinundena ni Castillo ang rehimeng Marcos, na aniya’y “walang ni katiting na malasakit” sa mga manggagawa.
“Halos mabali na ang likod ng mga manggagawa sa bigat ng napakamahal na presyo ng bilihin,” aniya. “Tapos para sa gubyerno ‘sapat’ na ang bente pesos?”
Aniya, wala maaasahan ang mga manggagawa kay Marcos na “abala lang sa pagpapanatili ng dambuhalang tubo ng mga kasabwat niyang kapitalista.”
“Wala sa interes niyang ibigay ang nakabubuhay na sahod,” aniya. Ito ay dahil nakikinabang si Marcos sa kikbak, suhol, at pagnanakaw sa bilyun-bilyong koleksyon ng VAT.
Panawagan ni Castillo, sama-sama igiit at ipaglaban ng mga manggagawa na ibigay na ang ₱1200 nakabubuhay na sahod para sa lahat sa buong bayan.
“Mga kapwa manggagawa, mangalampag, magprotesta, at mamuno sa paglaban sa mga gahaman at para sa kagyat na ginhawa sa panahon ng krisis,” panawagan niya.
Nakabubuhay na sahod, lalong naging kagyat
Sumirit ang tantos ng implasyon noong Marso nang 4.1%, mula sa 2.4% dahil sa dambuhalang mga pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Lalong kagyat at makatwiran ang nakabubuhay na sahod sa harap nito,” ayon sa KMU. Sa ulat nito, gumuh na ang tunay na halaga ng sahod nang ₱101 hanggang ₱155. Ang sahod ng mga manggagawa sa NCR na ₱695 ay may tunay na halagang ₱539 na lamang. Pinakamatindi ang dagok sa mga manggagawa sa BARMM, na sunasahod lamang ng ₱411/araw. Ibig sabihin, nasa ₱309 na lamang ang tunay na halaga ng kanilang sahod.
“Hindi sapat ang ayuda at mga patsi-patsing solusyon ng gubyerno,” ayon sa KMU. “Ang kailangan: itaas ang minimum na sahod sa buong bansa sa antas na nakabubuhay o ₱1200 nationwide.”
Sa kasalukuyan, naghahanda ang KMU para sa malakihang pagkilos ng mga manggagawa sa Mayo Uno para ipanawagan ang kagyat na kahilingang ito.
The post ₱20 dagdag-sahod sa Bicol, sampal sa mga manggagawa appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

