Ginugunita ngayon ang Araw ng Kagitingan na itinakda ng reaksyunaryong estado para alalahanin ang mga namatay na sundalong Pilipino at Amerikano sa Bataan Death March noong Abril 9, 1942, sa kasagsagan ng digmang Pilipino-Hapon noong World War II (WWII). Sa kasaysayan ng digmang Pilipino-Hapon, hindi lamang mga sundalong Pilipino ang namatay dito kundi ang mamamayang Pilipino na naging mga biktima at nagdusa sa gerang inihasik ng imperyalismo sa buong daigdig. Ang malagim na kaganapang ito ay paalala ng lupit at bangis ng imperyalistang digma laluna sa mga bayang kolonya at malakolonya tulad ng Pilipinas.

Marapat ding ialay ang araw na ito sa mga ninunong rebolusyonaryong Pilipino na naging martir ng digmang Pilipino-Hapon noong WWII, kabilang na dito ang mga gerilyero ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon na sa pamumuno ng lumang Partido Komunista ng Pilipinas ay magiting na lumaban at nagtanggol sa sambayanang Pilipino laban sa mananalakay na Hapon.

Marapat itono ang paggunita sa Araw ng Kagitingan sa pagkundena sa pinaiigting na gerang agresyon ng imperyalismong US sa buong daigdig sa yugtong ito. Dapat alalahanin ng sambayanang Pilipino na ang noo’y pagiging kolonya ng imperyalistang US ang nagsailalim sa bansa sa pagtarget ng pasistang Hapon. Dapat alalahanin na sa kanilang karuwagan, tumakas ang mga kolonyalistang Amerikano sa bansa sa pangunguna ni Douglas McArthur at iniwan ang Pilipinas sa kalupitan ng Hapon. Napipinto ngayon ang pagputok ng gera anumang sandali sa bansa at rehiyong Asia Pacific na humahalukay sa sugat at multong iniwan ng WWII sa mamamayan. Walang tigil ang panghihimasok ng mga pwersa at kagamitang pandigma ng imperyalismong US sa bansa, at ngayon, nagtutuluy-tuloy ang Balikatan Exercises sa bansa na nilalahukan ng mga tropang Pilipino, Amerikano, Japanese, Australian at taga-New Zealand.

Tusong nililinlang din ng imperyalismong US kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri ang mamamayan para pilit na ipatanggap ang presensyang militar ng US sa bansa. Kahit sa panahon ng Holy Week, nagtutuluy-tuloy ang programa ng Balikatan Exercises kung saan sa Quezon ay kinakitaan ng presensyang militar ng US at AFP. Bago ito, nagsimula na ng programang School & Infrastructure Support Engineer Civil Action Program ang pinagsanib na pwersa sa San Narciso, Quezon at El Nido, Palawan at nagsimula na kahapon ang Community Outreach Programs Civic Action sa San Narciso.

Taun-taon, parami nang parami ang lumalahok sa Balikatan Exercises na naghahatid ng pangamba sa bayan kung saan naliligalig ang mga residente sa pinaglulunsaran ng mga ehersisyo dahil sa biglang pagpapalipad ng mga sasakyang pandigma sa ere, walang patumanggang pamamaril at mismong presensya ng mga militar. Hindi rin makapaghanap-buhay ang mga Pilipino dahil pinagbabawalan silang tumungo sa lunsaran ng ehersisyong militar at sa mga kampo kung nasaan ang mga tropang Amerikano. Masahol pa, pondo ng bayan ang pinampupuhunan sa mga rekurso at lohistika ng mga ehersisyong militar at ginagamit para bumili ng mga makabagong armas-pandigma na gagamitin ng AFP umano sa eksternal na depensa.

Higit pang pinsala at hindi tulong ang hatid ng imperyalismong US sa Pilipinas sa pailalim nitong planong mang-udyok ng gera laban sa China. Sadyang gera ang ultimong solusyon ng imperyalismo para isalba ang sariling naghihingalong ekonomya at panghawakan ang dominasyon nito sa daigdig. Ito ang kinahantungan ng nagdaang dalawang pandaigdigang gera sa kasaysayan kung saan nag-agawan sa mga teritoryo para sa rekursong likas at tao at tambakan ng labis na kapital at produkto ang mga bansang imperyalista. Ito ang kasalukuyang hitsura ng imperyalismong US na nang-uupat ng gera upang ungusan ang mga karibal na imperyalistang bansang Russia at China at para kumita ang military industrial complex nito sa mga armas pandigmang inilalako sa iba pang mga bansa kabilang ang Pilipinas na plano nitong iumang sa isang proxy war.

Habang inihahasik ang gerang agresyon ng imperyalismong US sa iba’t ibang panig ng daigdig na naghahatid ng walang-kaparis na kahirapan sa mamamayan laluna sa masang anakpawis, dapat itong buong-lakas na kundenahin at labanan ng lahat ng mga mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan. Dapat mahigpit na makipagkaisa sa lahat ng mga bansa at mamamayang inaapi at pinagsasamantalahan ng imperyalismo, lalo yaong mga biktima ng gerang agresyon ng US. Suportahan ang pakikibaka ng mga mamamayan sa mga bansang ito. Hindi na dapat pahintulutan pang magkaroon ulit ng pandaigdigang gera na magwawasak sa lahat ng mga bansa at pakikinabangan ng imperyalismo.

Sa tradisyon ng mga bayaning Pilipinong lumaban sa kolonyalismo at imperyalismo, dapat na magiting na labanan at biguin ang gerang agresyon ng imperyalismong US. Sa panahong hindi maiiwasan ang isang gera, kailangang magiting na isulong ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayang Pilipino ang demokratikong rebolusyong bayan bilang sandata nito sa mapangwasak na gera ng imperyalismo. Ang makauring paglaban ng mamamayan ang bibigwas sa pagkubabaw ng imperyalismo sa bansa at ang pagkapanalo ng digmang bayan ang isa sa magpapahina sa kapangyarihan nito sa daigdig.

The post Magkaisa laban sa gerang agresyon ng imperyalismong US appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.