Bumoto ng “yes” o pabor ang mga manggagawa ng Kowloon House West para magkasa ng welga sa isang strike vote na ginanap noong Abril 8. Tugon ito sa patuloy na pagtanggi ng maneydsment ng restawran na ipatupad ang ₱104 dagdag-sahod mula sa nagdaang tatlong wage order. Ayon sa mga manggagawa, kahit ang hiling nilang ibigay ang ₱25 man lamang sa ₱104 ay tinanggihan, at ₱13 lamang ang inalok ng kapitalista na ibigay.
Dagdag sa matinding pambabarat na ito ang pagtanggi ng maneydsment na ipagkaloob sa unyon ang higit PH₱500,000 ng Service Charge benefits o mga benepisyong naipanalo ng unyon sa nakaraan.
“Habang binabarat ang mga manggagawa, nakapusisyong magkamal ng mas malaki pang tubo ang Kowloon House,” ayon sa ulat ng Kilusang Mayo Uno (KMU). Katunayan, patuloy na nagtatayo ng bagong mga restawran nang kumpanya, nagpapasweldo sa mga “konsultant” na nag-aantala lamang sa negosasyon sa bagong CBA. Nakatakda rin itong magtaas ng presyo ng mga produkto.
“Sinasalamin ng danas ng mga manggagawa sa Kowloon ang danas ng milyun-milyong manggagawang Pilipino sa kasalukuyan,” ayon sa KMU.
Nanawagan ang KMU sa mga mangggaawa na suportahan ang laban ng mga manggagawa ng Kowloon.
“Ang laban ng mga manggagawa ng Kowloon laban sa mga gahaman-sa-tubong kapitalista, ay laban nating lahat. Ito’y iisang paglaban para sa dignidad ng mga manggagawa at ng ating mga pamilya,” anito.
The post Mga manggagawa sa Kowloon, bumotong magkasa ng welga appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

