Nagprotesta sa harap ng Los Baños Municipal Hall ang mga residente ng Purok 6B Riverside, Barangay Bambang, Los Baños, Laguna, noong umaga ng Marso 30 upang kundenahin ang nakaambang demolisyon sa kanilang komunidad. Lumahok din sa pagkilos ang mga pambansang demokratikong organisasyon sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan-Southern Tagalog.

Nakatanggap ang mga residente ng Notice of Demolition noong Marso 11 mula sa Regional Trial Court Branch 35. Binigyan sila ng 20 araw para lisanin ang komunidad. Ayon kay Elena Durana, board member ng Purok 6B Homeowners Association, labag sa batas ang kautusan dahil walang inilunsad na dayalogo at konsultasyon sa mga apektadong residente bago ang desisyon at walang plano para sa relokasyon. Nakasaad din sa batas na hindi dapat bababa sa 30 araw ang ilalaan na panahon para sa pagpapaalis, taliwas sa utos ng korte.

Anim na dekada nang nakatira ang mga residente sa Purok 6B. Sa bisa ng Proclamation No. 550 noong 2004, kinilala ang kanilang karapatan sa lupang kanilang tinitirhan. Pero noong 2016, may nagparamdam ng pagnanais na magpatayo ng pribadong resort sa kanilang lugar. Inaangkin ng mga “bisita” ang pangalan sa titulo ng lupa na kanilang pinagbabahayan. Dahil dito, agad na inilakad ng mga upisyal ng homeowners ang pagkuha ng titulo para sa kanilang lupain. Ngunit napag-alaman nila na hindi maaring matituluhan ang kanilang lugar dahil sakop ito ng Proclamation No. 550 o dahil pagmamay-ari ito ng gubyerno.

Sa kabila nito, ipinasa na ang kanilang lupa sa pribadong interes, mula kay Jesus Casus patungo sa Bambang Land Corporation. Kung hindi resort, plano ng mang-aagaw ng lupa na gawing subidbisyon o puntahan ng turista ang lugar.

Panawagan ng mga residente ang pagtigil sa demolisyon, pampubikong konsultasyon kasama ang Laguna Inter-Agency Council, pag-isyu ng Certificate of Entitlement sa lahat ng mga residente, pinansyal na ayuda para sa abugado, pagpigil sa pagpasok ni Eric Cuevo at Bambang Land Corporasyon sa komunidad at pagkilala at pagrehistro sa Purok 6B Homeowners Association.

The post Planong demolisyon sa Laguna, tinututulan ng mga residente appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.