Magkahiwalay na asembliya ang inilunsad ng mga Pilipino sa New Zealand at Hong Kong noong Marso 29 para itatag ang kani-kanilang balangay ng Compatriots. Ang Compatriots ay ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga Pilipino sa labas ng Pilipinas at alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Isinagawa ang mga asembliya sa araw ng ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Simbolikong itinaon ang pagtatatag sa anibersaryo bilang pagpapatibay sa kanilang layuning suportahan ang armadong pakikibaka ng hukbong bayan at lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Sa New Zeland, mahigit 50 myembro ang nagtipon para sa asembliya. Binigyan nila ng pinakamataas na pagpupugay ang BHB sa magiting na gampanin at kontribusyon nito sa pagbubuo ng isang rebolusyonaryong gubyerno na tunay na nagsisilbi sa masang anakpawis.

Dumalo sa asembliya ang Compatriots-Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (Makibaka) at idiniin na mahalagang lumahok ang kababaihan sa digmang bayan dahil titiyakin nito ang magandang kinabukasan para sa mga bata at mamamayang Pilipino. “Isang hinaharap kung saan wala nang mapipilitang magtrabaho sa labas ng bansa at iwanan ang kanilang mga anak, isang sosyalistang lipunan kung saan iginagalang ang bawat babae, at tunay na inaalagaan ang bawat pamilya,” ayon sa Compatriots-Makibaka.

Nakibahagi rin sa aktibidad ang Compatriots-Kabataang Makabayan. Hinimok nito ang mga kapwa kabataang Pilipino na bumisita sa inang bayan, makipamuhay sa masa, at sumapi sa BHB.

Sa Hong Kong, nagtipon ang mga migranteng Pilipino at pinag-aralan ang oryentasyon at konstitusyon at programa ng Compatriots bilang bahagi ng pagtatatag sa balangay. Sama-sama rin silang kumanta ng mga rebolusyonaryong awit, at nanood ng mga bidyo ng mga Pulang mandirigma. Sa pagtatapos ng pagtitipon, sumumpa ang mga myembro ng Compatriots-Hong Kong at nangakong tutupdin ang tungkulin sa pagsusulong sa digmang bayan.

Kaugnay ng anibersaryo ng BHB, nagsagawa rin ng mga aktibidad ang mga balangay ng Compatriots sa Netherlands, US at Australia. Kabilang sa mga ito ang operation pinta-operation dikit sa Sydney at Melbourne para itanghal ang BHB at anibersaryo nito.

Ayon sa Compatriots, sa harap ng matinding krisis ay walang ibang landas na maaaring tahakin ang mamamayang Pilipino kundi ang armadong rebolusyon at demokratikong rebolusyong bayan. “Isa itong makatarungang solusyon sa paglalansag sa imperyalismong US, burukrata-kapitalismo at katutubong pyudalismo,” ayon sa grupo.

Nanawagan ito sa lahat ng mga balangay sa buong mundo na ipamalas ang suporta sa BHB sa pagdedesisyong umuwi sa Pilipinas at direktang makibahagi sa demokratikong rebolusyong bayan sa kanayunan. “Huwag lamang tayong manood mula sa malayo habang tayo, ang ating mga pamilya, at ang ating mamamayan ay nagdurusa sa krisis, pandarambong, at pasismo ng estado sa inang bayan,” anito. “Pakamahalin natin ang BHB sa pagsali sa kanilang hanay at direktang pagtangan sa pakikibaka.”

The post Mga balangay ng Compatriots, itinatag sa New Zealand at Hong Kong appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.