Pinagbabaril ng mga sundalo ng 79th IB ang isang magsasaka sa kanyang bahay sa Barangay Minautok, Calatrava, Negros Occidental noong Abril 6 ng umaga. Wala pang impormasyon sa kalagayan ng magsasaka hanggang sa kasalukuyan.

Pinalalabas ng militar na isang engkwentro ang naganap sa pagitan nito at yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinabulaanan ito ni Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command).

Pinalabas ng 79th IB na nasugatan ang isang sundalo sa gawa-gawa nitong engkwentro. Pitong Pulang mandirigma day ang kanilang nakasagupa, kabilang ang sinasabing mataas na lider ng BHB sa erya. Tuluy-tuloy rin ang operasyong paghahanap nila sa “naka-engkwentrong” yunit.

Ayon kay Estrella, hindi na kataka-taka ang pamemeke ng 79th IB ng mga engkwentro dahil sa desperasyon nitong palabasin na nagtatagumpay ito laban sa BHB at buong rebolusyonaryong kilusan. Aniya, ginagawa ito ng militar para pagtakpan ang katotohanang bigong-bigo sila sa layuning durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa Northern Negros.

Dagdag rito, matapos ang pekeng engkwentro ay kaagad na napadala ng karagdagang tropa militar ang 79th IB sa Barangay Minautok para mamahagi ng ayuda at suportang sikolohikal para sa mga residenteng naligalig dahil sa kanilang pamamaril. Isinangkot pa ng militar ang lokal na gubyerno ng Calatrava, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at mga upisyal ng barangay para palabasing lehitimo ang kanilang aktibidad.

The post Magsasaka sa Negros Occidental, pinaulanan ng bala ng 79th IB appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.