Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-57 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, kinapanayam ng Larab si Ka Handum, kadre ng Partido sa isang larangang gerilya sa Eastern Visayas, na pinagdaanan ang ikalawa at ang kasalukuyang kilusang pagwawasto sa loob ng hukbong bayan. Ibinahagi niya ang nakikita niyang pagkakapareho at pagkakaiba nito, at ang “hugot” niyang inspirasyon sa pagharap sa mga natatanging hamon ngayon.

Ang kilusang pagwawasto ay isang kilusang pag-aaral. Ipinapatupad ito sa pamamagitan ng pagpuna sa mga mayor na kamalian at paglihis sa pagsususlong ng rebolusyon sa mga larangan ng ideolohiya, pulitika at organisasyon. Ginagawa ito sa pangunguna ng Partido at ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa, hukbong bayan at organisasyong masa. Ang mga pagkakamaling tumatagos sa mga gawain ang nagpapatunay ng pangangailangan ng kilusang pagwawasto.

Para sa mga indibidwal na kasapi at kadre ng Partido, hindi madali ang buhay-at-kamatayang tungkulin na pamunuan ang pagsusulong ng rebolusyon hanggang sa tagumpay. Sa proseso pinagdaanan natin ang una at ikalawang kilusang pagwawasto, at ngayon muli tayong nahaharap sa ikatlong pagwawasto. Lahat ito sumasalamin sa natural na batas ng pag-unlad ng rebolusyon at Partido.

Ang epekto ng disoryentasyon na kinaharap ng ikalawang kilusang pagwawasto higit na mas mahirap at mabigat kumpara ngayon. Para sa akin, malaking problema na hindi pa lubusang nailalatag at napagtitibay ang 10 batayang prinsipyo ng Partido. Nagresulta ito ng walang kapantay na pag-atras at pagbagsak. Mga susing kadre sa matataas na antas ang nagdala ng rebisyunistang linya at nakaimpluwensya pa sa nakabababang antas.

Ngayon, malaki talaga ang pagkakaiba. Nailatag na ang 10 batayang prinsipyo ng Partido. Mas mayaman na rin tayo sa mga gabay at karanasan. Ang problema, hindi natin wastong nagamit, napabayaan din ang pag-aaral at hindi tayo naging kritikal sa ating mga limitasyon. Napabayaan din ang mga burgis-pyudal na impluwensyang sa unang pagtingin ay maliliit lang na bahagi ng ating pamumuno at pagtrabaho, pero nasamantala ito ng kaaway at nagdulot ng signipikanteng pinsala sa kilusan.

Susing mga tanong ngayon ang: Paano ba gagawin ang pagpapanibagong-hubog na dati pa nating nais tumbukin? Paano mahigpit na maisasapraktika at papandayin ang lahatang-panig na pamumuno ng Partido sa harap ng lumalakas at bumabangis na kontra-rebolusyonaryong kampanya ng estado at imperyalismong US?

Mahalaga na lagi nating mahigpit na panghawakan, sapulin at isapraktika ang ating mga batayang prinsipyo. Ang kongkretong praktika ng pagrerebolusyon ay kailangang naitataas sa antas ng teorya. Labis itong kailangan lalupa’t mabilis na nagbabago at umuunlad ang digma (halimbawa, umuunlad ang teknolohiya, teknik at taktika sa digmaan ng kaaway). Ang bawat antas ng pakikibaka ay nangangailangan ng mas mataas na kaalaman at praktika.

Mula nang matapos ang ikalawang kilusang pagwawasto, hindi na natin nasuma ang mga positibo at negatibong leksyon. Sa partikular, paano ba isusulong ang pakikibaka mula sa estratehikong depensiba—ang pagkumpleto sa mga rekisito ng panggitnang subyugto patungo sa abanteng subyugto—hanggang sa makamit ang susunod na estratehikong yugto?

Ito ang hamon na kinakaharap ng mga rebolusyonaryong pwersa laluna ng Partido. Reyalidad na nagkaroon ng pag-atras ang ating lakas at antas ng pakikidigma. Sa harap nito, kailangang pagtibayin ng bawat isa sa atin ang determinasyon na magpatuloy, magpunyagi at pandayin ang optimismo. Walang pagod nating balikan ang mga rebolusyonaryong aral na itinuro sa atin ng kasaysayan. Walang tigil na magpanibagong-hubog laban sa burgis at petiburgis na mentalidad at kilos sa lahat ng aspeto at larangan. Patuloy tayong magrebolusyonisa bilang indibidwal, kolektibo, organisasyon, Partido at kilusan.

Susi ang tamang “hugot.” Isa kong pinaghuhugutan ang sarili kong tindig mula nang magdesisyon akong magpultaym sa BHB at maging kasapi ng Partido. Mula noon, lubos ang aking tiwala at pag-asa sa kawastuhan ng rebolusyon at ng aking pinaglalaban.

Isa pa, masyadong stressful ang lipunang malakolonyal at malapyudal bunga ng pirmihang pang-ekonomya at pampulitikang krisis na naglalagay sa mamamayan sa desperadong kalagayan. Pero sa rebolusyonaryong kilusan, naisasakatuparan ko ang hangarin kong makabuo ng rebolusyonaryong pamilya at magpanday ng malayang lipunan.

Higit sa lahat, pinaghuhugutan ko ang pagmamahal ko sa masa at mga kasama—ang mga rebolusyonaryong martir, mga dakilang lider, mga kadre, mga kakolektibo ko at pinamumunuan na nag-alay ng kanilang buhay para sa ating kawsa at komun na adhikain.

Malaking tagumpay ang pagdedeklara ng Partido ng ikatlong kilusang pagwawasto. Nangangahulugan lang ito ng katapatan ng Partido sa sarili at sa rebolusyon. Lubhang mahalaga na mapangahas nating puntiryahin, punahin at itakwil ang mga sakit at tendensya na nakakapurol ng ating paglaban sa kaaway. Ang kilusang pagwawasto ay buhay-at-kamatayang obligasyon para seryosong mag-aral, pamunuan at ipatupad ang panawagan ng Partido na makabawi, isulong ang ipagtagumpay ang rebolusyon.

—isinalin mula sa orihinal na Winaray, unang inilathala sa Larab Abril 4, 2026

The post Ang pagpunyagi ni Ka Handum sa landas ng kilusang pagwawasto appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.