Walang patumangga ang paglabag ng Zionistang Israel sa tigil-putukan, na ngayon ay nasa ika-179 nang araw. Kasabay nito, tahasang tinanggihan ng Hamas ang pamimilit ng US at Israel na magdisarma ito.

Ayon sa Gaza Health Ministry at Government Media Office, mahigit 730 Palestino ang napatay at 2,000 ang nasugatan sa mga atake ng Israel mula nang magsimula ang tigil-putukan noong Oktubre 10, 2025. Sa looob lamang ng 24 oras lamang noong Abril 7-8, pitong Palestino ang napatay at 17 ang nasugatan sa magkakahiwalay na atake ng Israel. Kabilang sa mga napatay si Mohammed Wishah, isang mamamahayag ng Al Jazeera, na tinamaan ng isang drone strike sa Gaza City.

Dagag na paglabag ng Israel ang pambobomba sa isang paaralan sa loob ng Maghazi refugee camp kung saan 10 ang napatay, at pag-atake sa sasakyan ng UN na may lulang tauhan ng World Health Organization sa Khan Yunis.

Sa ulat ng Gaza Government Media Office, umaabot sa mahigit 2,000 insidente ang kabuuang bilang ng mga paglabag ng Zionistang Israel mula Oktubre.

Sa gitna nito, ipinahayag ng tagapagsalita ng Hamas na si Abu Obeida na hindi bukas ang grupo na talakayin ang pagdisarma ng mga mandirigmang Palestino hanggang hindi ganap na tinutupad ng Israel ang mga obligasyon nito sa unang yugto ng tigil-putukan.

Sa isang pahayag, tinawag ni Obeida na “lubhang mapanganib” sa mga grupo at mamamayang Palestino ang itinutulak na magdisarma ang Hamas.

“Ang kailangan ay ipresyur ang entidad [Israel] na tuparin ang kanyang mga pangako sa unang yugto, bago pag-usapan ang mga tuntunin ng pangalawang yugto.”

Kinundena niya ang patuloy na pagtarget ng Israel sa mga sibilyan, pagkait sa ayuda, pagsasara ng mga lagusan para sa mga sugatang sibilyan at paglimita sa akses ng mga Palestino sa moskeng Al-Aqsa sa panahon ng Ramadan.

Aniya, tinupad ng mga Palestino ang mga obligasyon sa tigil-putukan nang may buong katapatan at responsibilidad.

“Ang kaaway ang humahadlang sa kasunduan, at ang administrasyong Amerikano na may kinikilingan ang dapat papanagutin sa mga responsibilidad nito,” ani Obeida.

Suporta sa Iran

Samantala, sinuportahan ni Obeida ang mga pag-atake ng Iran laban sa Israel at inilarawan ang agresyon ng US-Israeli sa bansa bilang karugtong ng gera sa Gaza.

“Ang mga karumal-dumal na krimen ng Zionista-Amerikanong agresyon laban sa ating mga kapatid sa Islamic Republic ay nagpapaalala sa mundo sa mga krimen ng henosidyo sa Gaza,” pahayag niya.

Pinagluluksa rin niya ang pagkamatay ng Iranian Supreme Leader na si Sayyid Ali Khamenei at sinabing sinusubaybayan ng Izz ad-Din al-Qassam Brigades ang mga aksyon ng Iran “nang may pagmamalaki (pride) at paghanga.”

Nanawagan siya sa lahat ng mga armadong grupo sa rehiyon at sa mga Palestinian sa West Bank, Jerusalem at loob ng Israel na kumilos laban sa Israel.

The post US at Israel, pinanagot ng mga Palestino sa mga paglabag sa tigil-putukan appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.