Lampas isang buwan na ang walang-habas na pambobomba ng imperyalismong US at Zionistang estado ng Israel laban sa Iran. Bigo ang hibang na pasistang kriminal na si Donald Trump, presidente ng US, sa deklaradong layuning paluhurin ang Iran at isuko ang kanyang yamang langis sa kontrol ng imperyalismong US.
Mahigit 16,000 bomba na ang inihulog ng US at Israel sa Iran. Inasinta nito ang imprastrukturang militar ng Iran, subalit pinuntirya rin ang mga gusaling panggubyerno at pangkomersyo, mga bahayan, mga paaralan at unibersidad, ospital, laboratoryo, mga tulay, pabrika, plantang pang-enerhiya at nukleyar, pasilidad pantubig, pangkasaysayang lugar, at iba pang imprastrukturang sibilyan. Higit 2,400 Iranian na ang napatay, kabilang ang daan-daang mga bata, at sobra sa 25,000 ang sugatan. Nasa 3 milyon na ang nataboy sa kanilang paninirahan.
Mahigpit na nilalabanan ng bansang Iran ang walang-lubay na agresyong militar ng US at Israel. Sa kabila ng tinamong malawak na pinsala, ang Iran ay patuloy na nakapagpapabagsak ng mga modernong eroplanong pandigma ng US, at nakapagpapalipad ng mga misayl at drone na tumatama sa mga pasilidad at gusali sa Israel, pati na sa mga base militar ng US at tanggapan ng mga kumpanyang Amerikano sa Bahrain, Jordan, Kuwait, Qatar, Saudi Arabia at UAE. Hinahawakan nito ang Strait of Hormuz, estratehikong kipot kung saan dumadaloy ang 20% ng kabuuang kalakalan sa langis, upang ipitin ang pandaigdigang ekonomya, at gayo’y idiin ang US at Israel na wakasan na ang panggegera laban sa Iran.
Sa pagtangging yumuko at sumuko, binibigo ng bansang Iran ang pakay ng imperyalismong US na mamayagpag sa Middle East. Hindi nakuha ni Trump ang suporta ng mga kaalyadong bansa sa NATO. Labis ngayong nahihiwalay ang US at Israel sa buong daigdig. Lalong lumalim ang sigalot sa hanay ng mga imperyalista. Nagkakamal ng dambuhalang tubo ang oligarkiya sa pinansya at mga monopolyo kapitalista sa gera, sa pagsuhay sa bentahan ng armas ng industriyang militar, ispekulasyon at pagsirit sa presyo langis, at pagpapalakas ng dolyar. Malawak na krisis at paghihirap ang dulot nito sa mamamayan sa buong mundo.
Maging sa loob ng US, tumitindig ang mamamayang Amerikano laban sa gerang agresyon sa Iran. Kamakailan, humugos sa lansangan ang mahigit walong milyong nagtatakwil kay Trump. Sunud-sunod ang pinatalsik ni Trump na mga heneral ng militar, na ang iba’y sinasabing hindi sang-ayon sa pananalakay sa Iran. Lalong nahihibang ang pasistang si Trump. Sa harap ng kabiguang payukuin ang Iran at ipataw ang kanyang pasya, bumaling si Trump sa bulgar na pananalita at pagbabanta na pauulanan ng bomba ang Iran, at pasasabugin ang mga tulay at mga plantang pang-enerhiya, mga hakbanging tahasang krimen sa sangkatauhan.
Sa harap ng pagwawasiwas ng imperyalismong US sa kanyang brutal na pwersang militar na lumapastangan sa pambansang kasarinlan ng Iran, at bago nito, ng Venezuela, pati na ng Cuba, Palestine at iba pang mga bansa, dapat manindigan at kumilos ang buong sambayanang Pilipino laban sa imperyalistang panggegera ng US na yumuyurak sa karapatan ng mga bansang naggigiit ng kalayaan mula sa imperyalistang dominasyon at kontrol. Dapat buklurin ang pinakamalapad na hanay ng sambayanan laban sa imperyalistang panggegera ng US. Dapat ilantad ang mga kasinungalingan at disimpormasyong ipinakakalat ng imperyalismong US at ng papet na rehimeng Marcos.
Dapat ubos-kayang batikusin ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US at Zionistang estado ng Israel sa paglapastangan sa soberanya ng mga bansang nagsasarili, at ang pagkakamkam sa yamang langis ng Iran. Dapat suportahan at makipagkaisa sa mamamayan ng Iran sa kanilang paglaban sa agresyong militar ng imperyalismong US. Papanagutin ang pasistang hibang na si Trump at ang kanyang mga upisyal, sa kanilang mga krimen sa sangkatauhan kaugnay ng walang habas na pambobombang pumuntirya sa mga sibilyan. Dapat kasabay na batikusin ng sambayanang Pilipino ang Zionistang estado ng Israel, sa pambobomba at pagsalakay ng mga tropa nito sa Lebanon at ang pwersahang pagpapalayas sa isang milyong Lebanese sa kanilang tirahan at lupa, at ang patuloy na pambobomba sa Gaza Strip, sa kabila ng pag-iral ng ceasefire.
Batikusin ang imperyalismong US at labanan ang tuluy-tuloy nitong paghahanda at pag-uudyok ng gera. Walang-awat ngayon ang US sa pagpapalaki ng presensyang militar nito sa Asia-Pacific, kasabay ng panggigipit at pang-uupat ng sigalot sa China, kasapakat ang Japan at iba pang bansa. Ginagamit ng US ang mga base militar nito sa Pilipinas, Japan at South Korea para pumwesto at palakasin ang presensya sa karagatan sa palibot ng China. Tuluy-tuloy na binubuhusan ni Trump ng pondo ang militar. Mula $1 trilyon, planong itaas ang badyet nito tungong $1.5 trilyon sa susunod na taon.
Ang pakikiisa ng sambayanang Pilipino sa paglaban sa imperyalistang panggegera ng US sa Iran, Venezuela at iba pang bansa ay laban din para sa pambansang kasarinlan at kaligtasan ng Pilipinas. Dapat batikusin ng sambayanang Pilipino ang papet na rehimeng Marcos sa pagtanggi nitong kundenahin ang panggegera ng US at Zionistang estado ng Israel sa Iran.
Katulad kung paanong ginamit ng US ang mga base militar sa iba’t ibang bansa sa Middle East para ilunsad ang pananalakay sa Iran, tiyak na gagamitin din ng US ang mga base militar nito sa Pilipinas para isagawa ang panghihimasok at agresyong militar sa Asia-Pacific sa hinaharap. Sa gayon, dapat palakasin ang sigaw para lansagin ang mga base at mga sikretong pasilidad militar ng US sa bansa, tutulan ang permanenteng presensya ng libu-libong tropang Amerikano, ang paglagak sa Pilipinas ng mga misayl at iba pang sandata, planong itayong pagawaan ng armas at iba pa. Dapat puspusang labanan ang planong isagawang Balikatan war exercises simula ngayong Abril, na pawang nakatuon sa pagpapakitang gilas ng US laban sa China.
Sa harap ng lumalalim na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, tiyak na sisiklab ang mas maraming armadong sigalot sa mga darating pang panahon. Napakahigpit, kung gayon, na mabuo ang pandaigdigang anti-imperyalistang pagkakaisa ng mga mamamayan para labanan ang imperyalistang panggegera ng US, at isulong ang mga rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.
The post Magkaisa at labanan ang gerang agresyon ng US sa Iran appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

