Sa mga talakayan, produksyon, at munting pagtitipon kasama ang masang magsasaka sa kanayunan, ginunita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang ika-57 anibersaryo nito noong Marso 29. Ipinagdiwang ng Pulang hukbo ang nakamit nitong mga tagumpay sa nagdaang taon, habang matamang humahalaw ng mga aral mula sa dinanas na mga kapaitan.

Sa araw ding iyon, ipinamalas ng BHB ang kakayahang ipagtanggol ang sarili nang salakayin ng 68th IB ang yunit nito sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro. Napatay sa labanan ang upisyal militar na si Capt. Dean Buen Oyando habang nasugatan ang dalawang iba pa.

Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at gabay ng kilusang pagwawasto, patuloy na binibigo ng BHB ang walang-habas na pasistang paninibasib ng rehimeng US-Marcos laban sa hukbong bayan at sa mamamayang lumalaban sa kanayunan at kalunsuran. Mula nang ilunsad ang kilusang pagwawasto, mas lamang ang naging mga positibong karanasan sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka kaysa negatibo.

Sa gabay ng Partido, at sa harap ng lalong dustang kalagayan ng bayan, lalong tumibay at tumaas ang rebolusyonaryong diwa at kapasyahan ng mga Pulang mandirigma ng BHB na ipaglaban at ipagtanggol ang masang api at pinagsasamantalahan. Bunga nito, nasaksihan sa nagdaang taon ang paparaming mga kabataan, kapwa sa kanayunan at kalunsuran, na tumutugon sa panawagan na sumuporta at sumapi sa hukbong bayan. Tuluy-tuloy itong nadadagdagan ng bagong dugo na nagbibigay ng bagong sigla sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.

Panibagong pagsisikap rin ng BHB ang muling paglalabas sa pahayagang Pulang Bandila. Unang lumabas ang pahayagan noong 1985 at ilang dekadang natigil. Muli itong inilalathala ng Pambansang Kumand sa Operasyon sa pamamagitan ng Kawanihang Pampulitika nito. Ayon sa hukbo, ang paglalabas ng pahayagan ay kaakibat ng determinadong pagsusulong ng armadong rebolusyon na ambag nito sa tungkuling ibagsak ang papet at pasistang rehimeng US-Marcos.

Buong tiwala at suporta sa BHB

Mula sa mga kabundukan, kapatagan, syudad, pambansang kabisera hanggang ibayong dagat, ipinahayag ng National Democratic Front (NDF) at mga alyadong organisasyon nito ang malugod na pagbati sa mga minamahal na Pulang kumander at mandirigma ng BHB. Nagsagawa sila ng mga martsa, pagtitipon, talakayan at operasyon dikit-operasyon pinta sa Metro Manila, Cordillera, sa Pampanga, Southern Tagalog, Bicol, at sa Cebu. Tampok sa mga ito ang dalawang martsa ng mga rebolusyonaryong grupo sa Maynila. Mayroon ding mga aktibidad sa Australia, Hong Kong, Netherlands, New Zealand, at US.

“Parati kaming handang magparami at magkonsolida ng aming mga organisasyon para sa armadong pakikibaka at mag-ambag ng mas maraming Pulang kumander at mandirigma sa hukbong bayan,” pahayag ni Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDF.

Idineklara ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid ang walang maliw na tiwala at suporta nito sa hukbong bayan, at ang panatang magsisikap na tumuwang sa hukbo sa pagpapalapad sa rebolusyonaryong kilusang magbubukid sa mga larangang gerilya. Higit ring magsisikap ang Revolutionary Council of Trade Unions para magsilbing balon ng laksa-laksang bilang ng mga rebolusyonaryong manggagawa na mamumuno sa digmang bayan.

Tinanggap ng Kabataang Makabayan (KM) ang hamon na magsilbing tagapaghatid ng bagong dugo at sigla sa BHB. Handa silang bagtasin ang matagal at masalimuot na landas upang isulong ang digmang bayan.

Buung-buo ang ipinahayag na suporta ng NDF-Metro Manila sa BHB. Mula sa pambansang kabisera, nagsisikap ang grupo para organisahin ang mga manggagawa, maralita, at kabataan para tumungo sa kanayunan.

Napaabot din ng pagbati sa anibersaryo ng BHB ang iba pang alyado ng NDF kabilang ang Artista at Manunulat ng Sambayanan, Christians for National Liberation, Compatriots, Cordillera People’s Democratic Front, Katipunan ng mga Gurong Makabayan, Liga ng Agham para sa Bayan, at Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan.

Nagpugay din sa hukbong bayan ang Friends of the Filipino People in Struggle at mga balangay nito sa buong mundo. Ilang dayuhang partido at organisasyon mula sa Afghanistan, Bangladesh, Brazil, Ireland, at Ukraine ang bumati sa anibersaryo ng BHB.

The post Sa piling ng masa, ipinagdiwang ng BHB ang ika-57 anibersaryo nito appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.