Kasalukuyang nahaharap ang mga Masbatenyo sa mas pinaigting na militarisasyon at paglabag sa karapatang-tao matapos magtambak ng dagdag na tropa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isla. Noong Marso, idineklara ng 903rd IBde ang Masbate bilang “priority area” nito.

Dumating sa prubinsya ang 65th IB noong Pebrero. Sumunod na idinagdag ang mahigit 200 tropa mula sa 903rd IBde noong Marso 13 upang maglunsad ng operasyong kombat sa kabundukan ng Dumalinding, ang bundok na nagdudugtong sa tatlong bayan ng Palanas, Dimasalang at Cataingan.

Kasabay nito, nagsasagawa din ng Modified Community Support Sustainment Program (MCSSP) sa mga sentro ng siyam na baryo ng Palanas. Hindi bababa sa walong sundalo ang nakapakat sa bawat barangay. Paulit-ulit nilang pinatatawag ang mga residente para pumaloob sa huwad na programang pagpapasuko ng AFP.

Humigit kumulang 30 tropa ang kasalukuyang nakahimpil sa plasa at barangay hall sa Barangay San Carlos sa Palanas habang naghihintay matapos ang itinatayo nilang command post. Kasalukuyan ding nag-ooperasyon ang militar sa bayan ng Cawayan at Placer at sa mga barangay sa bayan ng Esperanza at Pio V. Corpuz.

Perwisyo sa mga magsasaka

Noong Marso 10, iniulat ang paghahasik ng takot ng mga elemento ng 2nd IB sa mga eskwelahan sa Barangay Libertad, Cawayan. Namataan naman ang 65th IB na namimigay ng polyeto na puno ng disimpormasyon at kasinungalingan sa Barangay Estampar sa bayan ng Cataingan.

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga residente ng San Carlos sa Palanas sa pag-inom at paglalasing ng mga sundalo na humahantong sa pagpapaputok ng baril sa pampublikong lugar. Iniulat din nila ang panggigipit ng mga sundalo, kabilang ang sarbeylans, pananakot at pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga kaanak ng pinaghihinalaang myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinipilit din ng mga sundalo ang mga sibilyan na “napasurender” nito para magsilbing aset paniktik sa lugar at direktang lumahok sa mga operasyong kombat.

Ayon kay Ka Luz del Mar, tagapagsalita ng BHB–Masbate (Jose Rapsing Command), nabawasan ang oras ng mga magsasaka sa paghahanapbuhay at lumiit ang kanilang kita dahil sa mga patakaran ng militar sa mga barangay. Dagdag pahirap sila sa dinaranas ngayon ng masang Masbatenyo na krisis sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin bunsod ng imperyalistang gera ng US sa Middle East at kainutilan ng rehimeng Marcos.

The post Militarisasyon sa Masbate, umiigting appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.