Lampas isang buwan sa gerang agresyon ng US sa Iran, mataas pa rin ang mga presyo ng petrolyo sa internasyunal at lokal na pamilihan. Ito ay sa kabila ng bahagyang pagluwag ng Iran sa pagdaan sa Strait of Hormuz ng mga oil tanker na patungo sa mga bansang “di kaaway,” gayundin ang pagluwag sa sangsyon sa langis mula sa Russia.

Tuluy-tuloy na tumaas ang presyo ng krudong langis hanggang 60% mula nang unang bombahin ng US ang Iran. Dulot na ito pangunahin sa ispekulasyon ng mga kumpanya sa pinansya sa pamilihan kung saan kinakalakal ang suplay sa hinaharap (tinatawag na futures). Noong Abril 2, nasa $109/bariles ang presyo ng krudong langis sa pamilihan, mula sa $65-$70/bariles bago ang Pebrero 28.

Ayon sa isang pag-aaral, ang gastos sa produksyon ng isang bariles ng langis ay nasa $42/bariles lamang, habang $16 naman ang royalty o buwis na sinisingil ng mga prodyuser ng langis. Ibig sabihin, tumatabo ng $72/bariles na tubo ang ispekulador at mga kumpanya ng langis noong pumalo sa $130/bariles ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan. Ang mayor na mga ispekulador sa pamilihan ay sila ring namumuhunan sa monopolyong kumpanya ng langis sa buong mundo. Lilimang kumpanya—ExxonMobil (US), Chevron (US), BP o British Petroleum (UK), Shell (UK/The Netherlands) at Total (France)—ang may monopolyo sa pagpepresyo ng pandaigdigang suplay ng langis.

Sa Pilipinas, pinalala ang monopolyong pagpepresyo sa pagpapatong ng kumpanya ng langis ng “replacement cost” o dagdag na presyo sa langis na binili bago ang gera para saklawin diumano ang dagdag na presyo sa bibilhing langis sa hinaharap. Noong unang linggo ng Marso kung saan tumaas nang 25%-38% ang presyo ng krudong langis, itinaas ng mga kumpanya sa Pilipinas ang presyo ng langis nang 43%-50%. Ito ay kahit pa ang ibinebenta ng mga ito ay ang suplay nila na binili bago pa ang Marso. Nagagawa ito ng mga kumpanya dahil sa deregulasyon ng industriya ng langis, na nagbibigay sa kanila ng buong-laya na itakda ang presyo ng bentahan ng langis, anuman ang pagtaas o pagbaba nito sa pandaigdigang pamilihan.

Tigil-pasada, welga

Libu-libong drayber ng dyip, bus, UV Express, TNVS, at motorcycle taxi (habal-habal) sa buong Pilipinas ang nagtigil-pasada noong Marso 26-27 bilang protesta sa gerang agresyon ng US sa Iran at laban sa walang-awat na pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas. Tugon ito sa panawagang 2-araw na pambansang welga sa transportasyon ng bagong tatag No to Oil Price Hike Coalition.

Tangan ng welga ang panawagan para sa agarang pagtigil ng gerang agresyon ng US sa Iran na nagdulot ng pagsirit sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado. Panawagan din nila ang pag-rolbak sa presyo ng langis tungong ₱55/litro, pagtanggal ng VAT at excise tax sa gasolina at diesel at pagbasura sa Oil Deregulation Law. Kasabay nito, hinimok nila ang rehimeng Marcos na igawad ang dagdag-pasahe sa lahat ng pampublikong sasakyan at itaas ang sahod ng mga manggagawa sa nakabubuhay na antas. Panawagan nila ang mas malawak na subsidyo at nasyunalisasyon ng industriya ng langis para mas magsilbi ito sa mamamayan kaysa sa kita ng dambuhalang mga kumpanya.

Sa araw ng welga, tumirik ang byahe sa pangunahing mga ruta sa Metro Manila at sa mga prubinsya ng Bicol, sa Bulacan, Cebu, Batangas, Laguna, at Cavite. Nagkaroon ng mga aksyon protesta sa Baguio, Bacolod, Iloilo, Leyte, General Santos, at Davao. Binigyang diin ng mga lider ng Piston at mga kaalyado nito na hindi na kayang tiisin ng mga drayber ang araw-araw na pagkalugi na umabot sa ₱1,500 hanggang ₱1,600 kada sasakyan noong Marso. Ngayong Abril 7, isa na namang dambuhalang pagtaas ng presyo ng diesel (₱19.8/litro) at gasolina (₱5.9/litro) ang ipinataw ng mga kumpanya ng langis. Itinulak nito ang presyo ng diesel tungong ₱160/litro at gasolina tungong ₱111/litro.

Binubuo ang No To Oil Price Hike Coalition ng mahigit 20 organisasyon ng transportasyon, pati na ang mga grupo ng pasahero, manggagawa, at iba pang sektor. Kabilang sa mga ito ang Piston, Manibela, United Transportation Coalition, Kariders, Bus Employees Association of the Philippines, Laban TNVS at iba pa.

The post Manipuladong merkado, patung-patong na kita appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.