Gumuguho ang kabuhayan ng mga magsasaka sa Cagayan Valley dahil sa linggu-linggong walang tigil na malakihang pagtaas ng presyo ng langis. Doble dagok ito sa kanila laluna at dumaranas ang mga palayan, maisan at taniman ng tagtuyot mula huling linggo ng Pebrero.

Ngayong Abril, inaasahang makararanas ang rehiyon ng 11-20 tuyong araw habang mas maraming araw pa sa Mayo. Kinatatangian ang tuyong araw ng mas mababa pa sa isang milimetro na patak ng ulan. Nangangahulugan ito ng mas malaking konsumo ng langis ng mga makinaryang pambomba ng tubig at paglinang sa lupa.

Noong huling linggo ng Marso, umabot sa ₱95-₱97/litro ang presyo ng gasolina, ₱121-₱136/litro ang diesel, at ₱148/litro ang kerosene sa rehiyon. Katumbas nito ang mahigit dobleng gastos sa makinarya at patubig, at pagtaas ng presyo ng binhi, pestisidyo, at pataba dahil sa transportasyon. Hinihila rin ang presyo ng buung-buong pagsalalay ng Pilipinas sa importasyon ng mga ito na ngayo’y nasasakal dahil sa gerang agresyon ng US sa Iran.

Palayan ni Manong Esto

Kumukonsumo si Manong Esto nang hanggang 245 litro ng diesel para sa kanyang isang ektaryang palayan sa Cagayan. Ginagamit niya ito sa bomba sa tubig, traktor at kuliglig. Nang nagtanim noong Enero, nasa ₱56.5/litro ang diesel sa prubinsya at sumirit sa ₱122.31/litro noong Marso 24 kung kailan namumulaklak na ang kanyang palay, kritikal na panahon ng pagpapatubig.

Sa konserbatibong taya ni Manong Esto, aabot sa ₱27,345.23 ang gastos niya para sa diesel sa buong taniman. Malayo ito sa ₱13,842.5 na sana’y gastos kung nanatili sa presyuhan noong Enero. Sa anihan ngayong Abril, tiyak siyang mas mahal ang renta sa reaper at gastos sa pagpapahakot. Dagdag pa ang halos dobleng presyo ng abono. Ang urea na dating ₱1,600-₱1,700 ay ₱2,400 na kada 50 kilo, habang ang Triple 14 na dating ₱1,600-₱1,700 ay ₱2,100 na.

Sa siklong ito ng produksyon, gumastos si Manong Esto ng kabuuang ₱74,846. Hindi kasama dito ang binhing hybrid na libre niyang nakuha sa Department of Agriculture (DA) na nagkakahalaga ng ₱12,000. Kung maaani ang target na 83 sako ng palay at maibebenta sa presyong ₱28/kilo ang tuyong palay, makakukuha siya ng ₱76,692. Ang netong kita niya ay ₱1,845 lamang sa buong apat na buwan ng pagsasaka.

Buntong-hininga ni Manong Esto, “kung magpapatuloy pa ang ganitong tunguhin ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, at nananatiling bagsak ang presyo ng palay, tuluyan nang mabubura ang aming kabuhayan.”

Aminado kahit ang DA na babagsak ang produksyon ng palay sa bansa dahil sa nagtataasang gastos sa produksyon. Sa “pinakamalalang senaryo,” tinataya ng DA na hindi maaabot ang target na 19.87 milyong metriko toneladang (MT) produksyon ng palay sa buong taon. Magkukulang ng 11,868 MT sa unang hati ng 2026 at 112,522 sa ikalawang hati ng taon.

Tuyot na mga maisan

Sa isang ektaryang maisan sa Isabela, nalugi nang ₱54,000 ang magsasakang si Tatang Sisko dahil sa mababang ani at mahal na gastos sa produksyon. Namuhunan siya ng ₱70,000 para rito.

Gumamit siya ng water pump para sa patubig ngunit nang sumirit ang presyo ng langis, hindi niya nakayanang isustini ito. Nabansot ang mga mais na karaniwang singtaas ni Tatang Sisko. Ang bunga na dapat ay malalaki, mabigat at siksik sa butil ay naging maliliit at bungi-bungi.

Kung dati ay nakakapag-ani siya ng lima hanggang walong tonelada sa isang ektarya, isang tonelada lamang ang naani niya sa maisan noong Marso. Binarat pa ng komersyante ang presyo ng kanyang mais sa ₱12/kilo dahil sa “mababang kalidad” nito. Sa paggigiit ni Tatang Sisko, naibenta niya ito sa halagang ₱16/kilo (kabuuang ₱16,000), malayo pa rin sa hiningi niyang ₱21/kilo.

Sa ilang mga kaso ng maisan, sasampung sako lamang ang naani ng mga magsasaka sa isang ektarya. Sa harap nito, maituturing ng mga magsasaka na “wais” ang magsasakang hindi na lang nagtanim at iniwang tiwangwang ang kanyang bukid dahil walang gastos at pagod.

Inutil na rehimen

Ayon sa Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Cagayan Valley (PKM-CV), patitindihin ng tuluy-tuloy na pagbagsak ng ani ang krisis sa pagkain sa bansa. Malinaw ito sa dinaranas ngayon ng mga magbubukid sa rehiyon na pangalawang pinakamalaking prodyuser ng bigas at pangunahing prodyuser ng mais sa bansa.

Malaki ang pananagutan dito ng rehimeng Marcos sa kainutilang kontrolin ang presyo ng langis at sa bulok na mga pasilidad at serbisyong patubig. Wala itong makabuluhang hakbang at sa halip, kakarampot na ₱2,345 tulong pinansyal ang inialok niya sa limitadong bilang ng magsasaka.

“Ang ganitong sinasapit natin ay kongkretong larawan ng lumalakas na pagbayo ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo sa magsasaka,” ayon sa PKM-CV. Kaugnay nito, nanawagan ang grupo sa mga magsasaka na palakasin ang pagkakaisa sa rehiyon at puspusang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.

The post Dagok ng mataas na presyo ng langis sa panahon ng tagtuyot sa Cagayan Valley appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.