Nagprotesta ang Agham, mga estudyante at propesyunal sa larangan ng syensya, teknolohiya, inhinyeriya at matematika noong Marso 25 sa harap ng UP Asian Institute of Tourism. Kinundena nila ang planong pagtatayo ng eksperimento at kunektado sa militar ng US na nuclear reactor sa lupain ng UP Diliman sa Quezon City.
Noong Marso 2025, nagbuo ng kasunduan ang Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) at Valar Atomics para sa pagtatayo ng 100-kilowatt micro reactor na tinatawag na “Ward One”. Ang proyekto ay pangungunahan ng Valar Atomics Research Institute, subsidyaryo ng Valar sa Pilipinas. Ang maliit na planta ay hindi pangsuplay ng kuryente kundi eksperimento lamang para sa mga komersyal na reactor sa hinaharap.
Ang Valar Atomics ay pinopondohan ng Anduril Industries, kumpanyang gumagawa ng makabagong armas at teknolohiya sa US. Ang direktang ugnayan ng Valar Atomics at Anduril Technology sa militar ng US ay nagpapahiwatig sa kung paano gagamitin ang teknolohiya sa hinaharap.
Bahagi ang plano ng pagtutulak ng rehimeng US-Marcos na magkaroon ng gumaganang plantang nukleyar sa bansa sa 2032. Nakapailalim din ito sa 123 Agreement for Civil Nuclear Energy Cooperation ng Pilipinas at US.
Samantala, gaganapin sa Taguig City sa Mayo ang ikalawang World Nuclear Supply Chain Conference. Pangungunahan ito ng World Nuclear Association upang patatagin ang pandaigdigang suplay para sa mga proyektong nukleyar. Katuwang ang papet na rehimeng Marcos, ilalako rito ang mga kumpanyang nukleyar ng US sa Asia.
The post Planong pagtatayo ng nuclear reactor sa UP Diliman, kinundena appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

