Iniulat ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command) na nakapaglunsad ang mga yunit nito ng limang aksyong militar noong Marso. Kabilang sa mga ito ang tatlong operasyong haras at dalawang aksyong pagdis-arma.
Noong Marso 1, pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ang detatsment ng 15th IB sa Barangay Haba sa bayan ng Candoni sa Negros Occidental. Ang naturang bayan ay sentro ng ekspasyon ng plantasyong oil palm ng Hacienda Asia Plantations Inc (HAPI) na nangangamkam ng lupa ng mga magsasaka at katutubo. Nagsisilbing protektor ng kumpanya ang 15th IB.
Sa bayan ng Cauayan, pinaputukan ng BHB ang mga sundalong nagkakampo at nananalasa sa Sityo Patol, Barangay Caliling noong Marso 9. Dahil dito, nagkagulo at nagtakbuhan sa takot ang mga sundalo. Para pagtakpan ang kahihiyan na inatake sila ng Pulang hukbo, nagpakalat ang mga sundalo ng kwento na nag-away at nagkagulo lamang ang sariling tropa kaya nagkaputukan.
Isang linggo makalipas, pinatamaan ng BHB ang detatsment militar sa Sityo Tagaytay, Barangay Narra noong Marso 16.
Naisagawa naman ang operasyong pagdis-arma sa mga kontra-rebolusyonaryo at masasamang elemento sa saklaw na erya ng yunit noong Marso 12 at Marso 19. Nakumpiska ng mga Pulang mandirigma ang dalawang armas mula sa mga target nito na napatunayang nagkasala sa mamamayan at sa rebolusyonaryong kilusan.
Ayon sa yunit, naisagawa ang mga armadong aksyon sa gitna ng focused military operations sa erya laluna sa mga syudad ng Kabankalan at Sipalay, at mga bayan ng Cauayan at Candoni. Nagbubuhos ng daan-daang tropa at gumagastos ng milyun-milyong piso ang militar para sa mga operasyong ito na nagsimula noon pang Pebrero.
The post 5 aksyong militar, inilunsad ng BHB-Southwest Negros noong Marso appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.
From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

